ENERO 26, 2023
BAHAMAS
Inialay ang Muling Itinayong Kingdom Hall sa Bahamas
Noong Enero 7, 2023, inialay ni Brother Mark Sanderson, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang muling itinayong Kingdom Hall sa Great Abaco Island sa Bahamas. Nasira ng bagyong Dorian noong Setyembre 2019 ang Kingdom Hall. Nakaiskedyul sana itong matapos noong Marso 2020. Pero tatlong linggo bago nito, nahinto ang paggawa sa Kingdom Hall dahil sa COVID-19 pandemic. Bumalik ang mga construction volunteer noong 2021 para tapusin ang proyekto.
“Nang tumama ang bagyo sa isla, marami itong sinira, pero hindi nito nasira ang pananampalataya ninyo. At hindi rin nito nasira ang kaugnayan n’yo kay Jehova,” ang masayang sinabi ni Brother Sanderson sa pahayag niya sa pag-aalay.
Ang Kingdom Hall na ito ang nag-iisang hurricane-resistant building sa isla. Ginagamit ito ng 49 na mamamahayag mula sa dalawang kongregasyon, isang kongregasyon na nagsasalita ng English at isa na nagsasalita ng Haitian Creole. May 175 dumalo sa programa, habang 167 naman ang nanood via streaming. Kasama sa programa ang isang open house, na pinuntahan ng mga residenteng Saksi at di-Saksi.
Isa sa mga construction volunteer si Brother Jake Majure nang ihinto ang relief work. “Talagang nakakalungkot,” ang sabi niya. “Mabilis naming tinatapos ang pag-aayos sa mga bahay. Malapit na rin naming matapos ang Kingdom Hall para magamit ito sa Memoryal nang biglang ihinto ang gawain.” Nakabalik siya noong 2021 para tumulong sa paggawa sa Kingdom Hall at iba pang bahay.
Sinabi ni Brother Sanderson: “Ang Kingdom Hall na ito ay patotoo na tayo, bilang bayan ni Jehova, ay nagtutulungan at nagpapakita ng pag-ibig sa isa’t isa. Natutuwa akong naririto ako ngayong Enero 2023 para makita ang gusaling ito at ang kaligayahan ng mga kapatid. Talagang kahanga-hanga.”
Nagtitiwala tayo na ang muling itinayong Kingdom Hall na ito ay magbibigay ng papuri sa Diyos na Jehova.—Ezra 3:10.