Pumunta sa nilalaman

Isang pamilya sa Belgium na dumadalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo ngayong 2021 sa pamamagitan ng videoconference

ABRIL 16, 2021
BELGIUM

2021 Memoryal—Pinakamataas na Bilang ng Dumalo sa Memoryal sa Loob ng Maraming Taon sa Belgium

2021 Memoryal—Pinakamataas na Bilang ng Dumalo sa Memoryal sa Loob ng Maraming Taon sa Belgium

Ngayong 2021, isang kabuoang bilang na 49,040 katao sa Belgium ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo—ang pinakasagradong okasyon para sa mga Saksi ni Jehova. Ito ang pinakamataas na bilang ng dumalo sa Memoryal sa Belgium mula noong 1995. Halos doble ito ng bilang ng mga Saksi sa bansa.

Kapansin-pansin ang bilang na ito ng dumalo sa isang Kristiyanong pagdiriwang, dahil ang mga tao sa Belgium ay nagiging hindi na interesado sa relihiyon. Halimbawa, noong 1970, mahigit 90 porsiyento ng mga taga-Belgium ay Kristiyano at mahigit 6 na porsiyento lang ang hindi relihiyoso. Pero ipinapakita ng mga report sa ngayon na ang bilang ng mga Kristiyano sa Belgium ay mas mababa na sa 60 porsiyento ng populasyon. Ang mga nagsasabi naman na hindi sila relihiyoso ay mahigit na sa 40 porsiyento.

Nitong nakalipas na mga taon, naglathala ang media ng mga negatibong report tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Sa kabila nito, parami nang paraming taga-Belgium ang naghahanap ng tumpak na impormasyon tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Nakikita ng marami sa mga interesadong ito na iniibig ng mga Saksi ni Jehova ang isa’t isa, at nararanasan din nila ang magagandang resulta ng pagsunod sa Bibliya.—Juan 13:35.

Gamit ang aklat na Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos, bina-Bible study ng isang sister ang isang bagong bautisadong sister na dumalo sa Memoryal ngayong 2021

Noong Pebrero 2021, iniulat ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Belgium ang pinakamataas na bilang na 11,804 katao na nag-aaral ng Bibliya—halos 1,000 na mas marami kaysa sa average noong nakaraang taon ng paglilingkod. Sa nakalipas na limang taon, may average na 450 katao ang nagpapabautismo bawat taon bilang Saksi ni Jehova.

Ang positibong mga pangyayaring ito sa Belgium ay ilan lang sa mga halimbawa kung paano patuloy na nakikita ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo ang katuparan ng hula ng Bibliya: “Ang munti ay magiging isang libo at ang maliit ay magiging makapangyarihang bansa.”—Isaias 60:22.