Pumunta sa nilalaman

Idinidispley ng mga sister ang brosyur na Masayang Buhay Magpakailanman, at background nito ang pabalat ng Bantayan na pinamagatang “Mental na Kalusugan—Tulong Mula sa Bibliya”

SETYEMBRE 19, 2023
BOLIVIA

Nakatawag-Pansin sa International Book Fair sa Bolivia ang Impormasyon Tungkol sa Mental na Kalusugan

Nakatawag-Pansin sa International Book Fair sa Bolivia ang Impormasyon Tungkol sa Mental na Kalusugan

Ang International Book Fair of Santa Cruz ay ginanap sa Santa Cruz de la Sierra, Bolivia, mula Mayo 31 hanggang Hunyo 11, 2023. Dinaluhan ito ng mahigit 120,000 bisita. Itinampok ng booth na inihanda ng mga kapatid natin ang Bantayan Blg. 1 2023, “Mental na Kalusugan—Tulong Mula sa Bibliya.”

Ang Bantayan Blg. 1 2023 sa wikang Spanish na may pamagat na “Mental na Kalusugan—Tulong Mula sa Bibliya”

Mga 200 kapatid ang nag-asikaso sa booth natin at bumati sa mahigit 20,000 bisita. Ipinalabas sa mga telebisyon ang mga video mula sa website natin, at natutuhan ng mga bisita kung paano magri-research ng iba’t ibang paksa sa jw.org. Halos 5,500 literatura ang naipamahagi, at mga 600 video ang naipapanood. May 45 ring dumalaw sa booth na humiling ng pag-aaral sa Bibliya gamit ang online form sa jw.org.

Nang mapansin ng isang babae na mental na kalusugan ang paksang itinatampok sa booth natin, nilapitan niya ang isang sister at sinabi na may problema sa mental at emosyonal na kalusugan ang nanay niya. Sinabi pa niya na siya mismo ay nakakaranas ng anxiety at depresyon. Tinulungan ng sister ang babae na i-download sa cell phone niya ang magasing Bantayan tungkol sa mental na kalusugan at ang brosyur na Masayang Buhay Magpakailanman. Sinagutan din agad ng babae ang online form sa jw.org para humiling ng isang pag-aaral sa Bibliya.

Ilang kapatid sa loob ng booth sa International Book Fair

Ganito naman ang sinabi ng isang psychologist na nakakuha sa book fair ng isang kopya ng Bantayan tungkol sa mental na kalusugan: “Balak kong i-share ang artikulong ito sa mga pasyente ko. Siguradong makikinabang sila sa impormasyong ito at sa mga talata dito sa Bibliya.” Isang babae naman na kamamatay lang ng nanay ang napatibay nang ipakita sa kaniya ang artikulong “Kapag Namatay ang Iyong Magulang” sa seksiyon na “Kapayapaan at Kaligayahan” sa jw.org.

Napakarami ngayon ng dumaranas ng mental at emosyonal na problema, at masaya ang mga kapatid natin sa Bolivia na matulungan ang mga tao na makita ang tulong at pampatibay na ibinibigay ni Jehova sa pamamagitan ng Salita niya, ang Bibliya.​—Awit 34:18.