DISYEMBRE 29, 2017
BOLIVIA
Binigyan ng Award ang mga Saksi ni Jehova Dahil sa Exhibit Nila sa Kombensiyon sa Bolivia
SANTA CRUZ, Bolivia—Noong Oktubre 27-29, 2017, halos 17,000 katao mula sa 20 bansa ang dumalo sa kombensiyon na idinaos ng mga Saksi ni Jehova sa Cochabamba, Bolivia. Dalawang institusyon ang humanga sa mga Saksi at nagbigay sa kanila ng award dahil sa pagpapaganda sa venue at sa exhibit na ginawa nila tungkol sa mayamang kultura ng Bolivia.
Nagdaraos ang mga Saksi ni Jehova ng taunang kombensiyon sa Fundación para la Feria Internacional de Cochabamba (FEICOBOL) mula pa noong 2012. Lagi itong nililinis ng mga Saksi ilang araw bago ang kombensiyon. Pero para mas maihanda ang lugar na iyon para sa libo-libong dadalo sa taóng ito, mga 4,900 Saksi ang nagboluntaryo para ayusin ang loob at labas ng pasilidad, na umabot nang 15 araw. Nagpintura sila, nag-ayos ng mga tubo, at nag-install ng mga gagamitin para sa audio/video. Sa labas ng pasilidad, inayos din nila ang garden at kinumpuni ang mga upuan at ilaw.
Gumawa rin ang mga Saksi roon ng museo tungkol sa tradisyonal na kultura ng Bolivia para sa mahigit 1,800 delegado mula sa iba’t ibang bansa. Sa exhibit, may makikitang mga produkto sa agrikultura at mga miyural. Mayroon ding miniature ng tatlong bahay na ang disenyo ay sa Bolivia lang makikita, at ibinigay ito ng mga Saksi sa FEICOBOL pagkatapos ng kombensiyon.
Sinabi ni Aldo Vacaflores, presidente ng lupon ng mga direktor ng FEICOBOL at nagbigay ng award sa mga Saksi bilang pagkilala sa ginawa nila, “Hangang-hanga kami sa dedikasyon ng mga miyembro ng organisasyon ninyo.” Sinabi pa niya: “Punong-puno kayo ng sigasig at dedikasyon para sa kombensiyong ito, na talagang hahangaan ng lahat ng dumalo. Gagayahin namin kayo.”
Humanga rin sa museo na ginawa ng mga Saksi ang Departmental Council of Cochabamba Culture, isang ahensiya ng gobyerno sa estado ng Cochabamba, at nagbigay sila ng award. Si Sdenka Fuentes, presidente ng council na iyon, ay personal na nagpasalamat sa mga Saksi dahil napili nila ang lunsod ng Cochabamba para pagdausan ng kombensiyon. Sinabi niya na naitampok ng museo sa natatanging paraan ang mayamang kultura ng Bolivia.
Sinabi ni Garth Goodman, tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Bolivia: “Naka-tie in ang kombensiyong ito sa anim na lunsod, kaya napakagandang pagkakataon ito para sa lahat ng 49,320 dumalo na sama-samang sumamba. Masaya kami na pinahalagahan ng komunidad ang paggalang na ipinakita namin sa bansang pinagdausan ng kombensiyon, ang Bolivia, at sa naiiba at tradisyonal na kultura nito.”
Nagtuturo tungkol sa Bibliya ang mga Saksi ni Jehova sa Bolivia mula pa noong 1924. Makasaysayan para sa mga Saksi ang pasimula ng 2017 dahil inilabas nila ang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (“Bagong Tipan”) sa wikang Quechua at Aymara.
Media Contacts:
International: David A. Semonian, Office of Public Information, +1-845-524-3000
Bolivia: Garth Goodman, +591-3-342-3442