Pumunta sa nilalaman

Mga kapatid na nakikibahagi sa iba’t ibang anyo ng ministeryo sa Botswana

PEBRERO 19, 2024
BOTSWANA

Limampung Taon ng Kalayaang Sumamba sa Botswana

Limampung Taon ng Kalayaang Sumamba sa Botswana

Noong Pebrero 20, 2024, ang ika-50 anibersaryo ng pagkilala ng gobyerno sa mga Saksi ni Jehova sa Botswana. Bago tayo opisyal na nairehistro noong 1974, mahabang panahong nagtiis ng restriksiyon at pagbabawal ang mga kapatid natin.

Mga kapatid na nagpapa-picture sa isang pansirkitong asamblea sa Mahalapye, Botswana, noong 1965

Naipangaral ang mensahe ng Kaharian sa Botswana, dating tinatawag na Bechuanaland, noong 1929. Pero noong 1941, dahil sa galit at takot ng mga tao na epekto ng Digmaang Pandaigdig II, ipinagbawal ng gobyerno ang gawain natin at pamamahagi ng mga literatura sa Bibliya. Nang alisin ang pagbabawal noong 1959, nagpatuloy ang gawain ng mga Saksi.

Noong 1972, kinailangang magparehistro sa gobyerno ng lahat ng organisasyon sa Botswana batay sa isang bagong batas. Pero nang iparehistro ng mga kapatid ang organisasyon natin, hindi ito tinanggap ng gobyerno. Binigyan lang sila ng 20 araw para ihinto ang lahat ng gawain natin. Ipinagbawal ang mga Saksi ni Jehova sa Botswana! Makukulong nang hanggang pitong taon ang sinumang mahuhuling nangangaral o dumadalo sa mga pulong. Pero patuloy na nagtipon nang palihim ang mga kapatid. Halimbawa, kung minsan, nagpupulong sila sa liblib na mga lugar. Ganito ang naalala ni Brother Tommy Maruping noong panahong iyon: “Kahit pinagbabawalan kami, mas naging determinado pa kaming mangaral at magtipong sama-sama. Alam naming kasama namin si Jehova, at talagang hindi niya kami iniwan.”

Mga dumalo sa 2023 “Maging Matiisin”! na Panrehiyong Kombensiyon sa Gaborone, Botswana

Noong Pebrero 20, 1974, binago ng gobyerno ang desisyon nito at opisyal na inirehistro ang mga Saksi ni Jehova bilang isang relihiyosong organisasyon. Ngayon, may halos 2,400 mamamahayag na sa Botswana sa 42 kongregasyon. May mga pulong sa Botswana Sign Language, English, Kalanga (Botswana), Setswana, at Shona. Si Brother Hugh Cormican ay naging misyonero sa Botswana pagkatapos alisin ang pagbabawal. Sinabi niya: “Nanatiling matibay ang pananampalataya ng mga kapatid hanggang ngayon. Dahil sa nakakapagsama-sama tayo sa mga pulong, asamblea, at kombensiyon, nararanasan natin ang tunay na pagkakaisa ng bayan ni Jehova.

Ang pagtitiis ng mga kapatid natin sa Botswana ay patunay na laging pinagpapala ni Jehova ang pagsisikap ng tapat na mga lingkod niya na “sundin . . . ang mga utos niya.”—1 Juan 5:3.