Pumunta sa nilalaman

Ang bagong Bible educational center sa Cabreúva, Brazil. Maliit na larawan sa itaas: Mga estudyanteng nakikibahagi sa talakayan sa classroom

DISYEMBRE 20, 2023
BRAZIL

Bagong Bible Educational Center sa Brazil

Bagong Bible Educational Center sa Brazil

Noong Disyembre 3, 2023, sa isang Assembly Hall, ibinigay ni Brother Eduardo Martines, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Brazil, ang pahayag sa pag-aalay ng bagong Bible educational center sa Cabreúva, Brazil. Dinaluhan ng mahigit 2,400 kapatid ang programa ng pag-aalay, at napanood naman ito ng mahigit 4,900 sa pamamagitan ng videoconference.

Kaliwa: Si Brother Eduardo Martines na nagbibigay ng pahayag sa pag-aalay. Kanan sa itaas: Mga masayang dumalo sa programa. Kanan sa ibaba: Matatagal nang mga instruktor na ininterbyu sa programa

Ang bagong Bible educational center ay pangunahin nang gagamitin para sa School for Kingdom Evangelizers at sa School for Circuit Overseers and Their Wives. Puwedeng magdaos ng tatlong sabay-sabay na klase sa pasilidad na ito, at halos 600 estudyante ang makakapag-aral dito taon-taon.

Isang instruktor na nangunguna sa talakayan kasama ng mga estudyante

Noong 2020, binili ng mga kapatid ang isang hotel at ni-renovate ito para maging isang Bible educational center. Sinunod ng mga boluntaryo ang mga tagubilin noong panahon ng COVID-19 pandemic habang ginagawa nila ang 3 classroom, 54 na kuwarto na titirhan ng mga estudyante at guro, isang silid-kainan, at mga opisina. Nang matapos ang konstruksiyon, binuksan sa publiko ang gusali para makapag-tour sila. Isinaayos ito para makilala ng mga nakatira sa lugar na iyon, pati na ng mga lokal na opisyal, ang mga Saksi ni Jehova at malaman nila ang mga programa natin sa pagtuturo ng Bibliya. Sinabi ng isang opisyal na nag-tour sa pasilidad: “Napakaganda ng ginawa ninyo dito at de-kalidad. Kapag ginagawa natin ang isang bagay para sa Diyos, dapat ganito iyon.”

Kaliwa: Ang lobby sa bagong educational center. Kanan: Tuluyan ng mga estudyante sa pasilidad

Sinabi ni Brother Rogério Braganholo, na tumulong sa renovation: “Kitang-kita ang suporta ni Jehova sa proyektong ito mula sa simula hanggang sa matapos ito. Ipinaalala nito sa amin ang sinasabi sa Awit 127:1: ‘Kung hindi si Jehova ang nagtatayo ng bahay, walang saysay ang pagpapagal ng mga nagtatayo nito.’”

Nakikigalak tayo sa pagbubukas ng bagong Bible educational center na ito na tutulong sa marami nating kapatid sa Brazil na mapasulong ang kanilang “paraan ng pagtuturo.”—Tito 1:9.