Pumunta sa nilalaman

ENERO 27, 2021
BRAZIL

Mga Saksi ni Jehova sa Brazil, Nagpatotoo sa mga Lugar na Di-gaanong Napapangaralan

Mga Saksi ni Jehova sa Brazil, Nagpatotoo sa mga Lugar na Di-gaanong Napapangaralan

Sa Brazil, may mga 1,500 lunsod na walang kongregasyon. Ang ilan sa mga lunsod na ito ay nasa mga liblib na lugar at maraming taong nakatira doon ang hindi pa nakakausap ng mga Saksi ni Jehova. Dahil dito, nagsaayos ang sangay sa Brazil ng espesyal na kampanya para mapuntahan ang mga lunsod na ito mula Setyembre hanggang Disyembre 2020. Pero dahil sa restriksiyon ng COVID-19, ginawa ang kampanya sa pamamagitan ng letter writing. Nakibahagi dito ang 3,000 kongregasyon.

Nag-research sa Internet ang mga kapatid tungkol sa lunsod na iniatas sa kanila para maibagay nila sa kalagayan doon ang mga sulat na gagawin nila. Halimbawa, isang payunir ang sumulat sa mga tao sa isang lunsod sa estado ng Tocantins. Nalaman niya na kamakailan lang, nagkaroon ng mga wildfire sa lugar na iyon. Sa mga sulat niya, isinama niya ang Apocalipsis 21:5. Sinabi ng sister na ‘gagawing bago ni Jehova ang lahat ng bagay’ at aayusin Niya sa hinaharap ang lahat ng naging pinsala sa lupa. Pagkalipas ng ilang araw, nakatanggap siya ng audio message mula sa isang babae. Sinabi nito na natutuwa siyang malaman na kaya ng Diyos na “pagandahin ang buhay natin.” Humiling din ang babae ng higit pang impormasyon.

Isa sa nakatanggap ng sulat ang nagtext sa isang sister, at base sa sinabi niya, makikita talaga na maganda ang resulta ng kampanya. Ganito ang text niya: “Hindi ko maipaliwanag, pero alam ko na ginamit ka ng Diyos para tulungan ako. . . . Maraming salamat! Dahil sa iyo, naniniwala na ulit ako na mahal ako ng Diyos at inaalagaan niya ako at ang pamilya ko! Pakiramdam ko, niyayakap niya ’ko. Hindi man kita kilala, nasagot ang panalangin ko dahil sa iyo! Maraming, maraming salamat!”

Ipinaliwanag ng isang elder sa Itamarati Congregation sa Petrópolis, Rio de Janeiro, ang naramdaman ng mga kapatid na nakibahagi sa kampanya: “Pakiramdam namin, mga special pioneer kami na nangangaral sa malalayong teritoryo. Bihira itong maranasan ng mga kapatid dahil sa iba’t ibang kalagayan at pananagutan sa pamilya.”

Talagang pinagpala ni Jehova ang kampanyang ito. Pribilehiyo natin na makatulong sa ‘pangangaral ng mabuting balita sa lahat ng nilalang sa buong lupa.’—Colosas 1:23.