PEBRERO 4, 2020
BRAZIL
Paglilinis Pagkatapos ng Matinding Pagbaha sa Brazil
Mula pa noong Enero 18, 2020, nakaranas ang Espírito Santo at Minas Gerais ng malakas na pag-ulan, na naging dahilan ng matinding pagbaha. Pinasok ng baha ang mga bahay at tinangay ang mga kotse at puno. Sinabi ng mga awtoridad na libo-libo ang lumikas sa kanilang bahay at mahigit 60 ang namatay.
Espírito Santo
Sa mga bayan ng Iconha at Alfredo Chaves, nasira ang siyam na bahay ng mga Saksi ni Jehova dahil sa baha at naapektuhan ang 27 sa mga kapatid natin. Mabuti na lang at walang kapatid na nasaktan o namatay.
Mga 100 Saksi mula sa rehiyong iyon ang nagboluntaryo para tumulong sa mga kapatid na naapektuhan ng baha. Sa pangunguna ng mga elder, nag-donate ang mga kapatid ng pagkain, tubig, at damit. Tumulong din sila sa paglilinis at pagtanggal ng putik sa bahay ng mga kapatid at ng mga di-Saksi nilang kapitbahay.
Minas Gerais
Walang kapatid na nasaktan o namatay. Pero limang Kingdom Hall ang nasira at mga 50 pamilyang Saksi ang kinailangang lumikas. May ilang kapatid na na-trap dahil sa baha at kinailangang ma-rescue ng bangka mula sa ikalawang palapag ng kanilang bahay. Lahat ng kapatid na lumikas ay pinatuloy ng mga Saksi ni Jehova.
Bumuo ng mga Disaster Relief Committee sa Espírito Santo at Minas Gerais para mag-organisa ng relief work. Nakikipagtulungan ang mga Disaster Relief Committee sa mga tagapangasiwa ng sirkito at mga elder para makapagbigay ng pisikal at espirituwal na tulong sa mga kapatid.
Ipinapanalangin natin ang mga kapatid na naapektuhan ng baha. Nagpapasalamat tayo kay Jehova dahil nagbibigay siya ng lakas, pampatibay, at praktikal na tulong sa mga kapananampalataya natin.—Awit 28:7.