HUNYO 25, 2020
BRAZIL
Pagtulong sa mga Kapatid Natin sa Amazon
Ang Komite ng Sangay sa Brazil ay bumuo ng 18 Disaster Relief Committee (DRC) para tulungan ang nangangailangan nating mga kapatid dahil sa pandemic ng coronavirus. Tinutulungan ng mga DRC ang mga 12,000 kongregasyon sa buong bansa, pati na ang mga kapatid natin sa malalayo at liblib na rehiyon ng Amazon River. Mayroon nang 131 pamilya sa Amazon na nakatanggap ng tulong.
Ang DRC sa Manaus, ang kabisera ng Amazonas, ay naghanda ng mga relief supply na pang-isang buwan. Kasama rito ang mga pagkain, gaya ng beans, cassava flour, bigas, at powdered milk. Mayroon ding sabon, toilet paper, sipilyo, at toothpaste. Ipinadala ito ng mga kapatid sa barko sa kalapit na daungan ng Manacapuru, at saka ipinamahagi ito sakay ng bangka sa ilang liblib na lugar, pati na sa Membeca at Lago do Castanho.
Pagkatanggap ng suplay ng pagkain ni Sister Marinelma, na nakatira sa rehiyon ng Lago do Castanho, sinabi niya: “Una, pinapasalamatan ko si Jehova sa pangangalaga sa amin. Malaki ang pangangailangan namin, pero wala kaming perang pambili ng pagkain. Gusto ko ring pasalamatan ang mga kapatid sa pag-ibig nila at pagkabukas-palad. Habang binubuksan ko at inaayos y’ong relief supply, nakita ako ng anak kong lalaki na anim na taóng gulang. Sinabi ko sa kaniya na ginagamit ni Jehova ang mga kapatid para tulungan kami. Pagkatapos, sinabi niya, ‘Nay, puwede po ba tayong manalangin para pasalamatan si Jehova?’”
Sumulat sa DRC si Brother Jonas Monteiro, na nakatira sa lunsod ng Caapiranga kasama ng pamilya niya. Ganito ang sabi sa isang bahagi nito: “Maraming salamat sa tulong ninyo. Ipinapakita ng ginawa ninyo na mahal kami ni Jehova. Talagang pribilehiyo na maging bahagi ng pambuong-daigdig na pamilyang ito.”
Napatibay rin ang mga kapatid na naglilingkod sa DRC. Sinabi ni Isaac Emannuel Ramalho de Oliveira, isang elder sa DRC: “Sa araw-araw na pagtatrabaho ko sa Disaster Relief Committee, napapatibay ang pananampalataya ko. Mas malaki ang naitutulong nito sa akin kaysa sa naitutulong ko sa mga kapatid.”
Nakakapagpatibay ng pananampalataya na makitang hindi pinapabayaan ni Jehova ang mga lingkod niya sa panahong ito ng pandemic, saanman sila naroon.—Awit 94:14.