Pumunta sa nilalaman

Kaliwa: Dinalaw ni Brother Nathan Knorr ang tanggapang pansangay sa Rio de Janeiro noong Abril 1949. Kanan: Si Brother Knorr habang nagpapahayag sa isang asamblea sa São Paulo noong Abril 9-10, 1949

HUNYO 22, 2022
BRAZIL

Pitumpu’t-Limang-Taóng Pagkilala ng Gobyerno ng Brazil sa mga Saksi ni Jehova

“Hindi Kailanman Nabawasan ang Pananampalataya, Kasigasigan, at Pagtitiwala Namin kay Jehova”

Pitumpu’t-Limang-Taóng Pagkilala ng Gobyerno ng Brazil sa mga Saksi ni Jehova

Noong Hunyo 23, 1947, inirehistro ng mga Saksi ni Jehova ang Sociedade Torre de Vigia de Bíblias e Tratados (Watch Tower Bible and Tract Society) sa Brazil. Ito ang pangunahing legal na korporasyong ginagamit natin sa Brazil sa nakalipas na 75 taon. Maraming taóng pinag-usig ang mga kapatid natin bago sila kilalanin ng gobyerno.

Noong Oktubre 13, 1945, nagpaikot ng petisyon ang mga kapatid sa Brazil para humingi ng suporta sa hiling nilang kilalanin ng gobyerno ang mga Saksi ni Jehova. Sa buong bansa, nakakuha ng 44,411 pirma para sa petisyon ang mga 400 Saksi. Ipinadala nila ang petisyon sa palasyo ng presidente pero wala silang natanggap na sagot.

Noong 1946, nagkaroon ng bagong konstitusyon sa Brazil. Sa konstitusyong ito, puwede nang mairehistro ang Watch Tower Bible and Tract Society. Nang taóng iyon, nasa 442 Saksi ang nangangaral sa bansa bawat buwan.

Hindi nagustuhan ng mga lider ng ibang relihiyon ang pagkilala sa atin ng gobyerno. Makalipas ang tatlong taon, noong Nobyembre 3, 1949, napilit nila ang presidente ng Brazil na lagdaan ang batas para suspendihin at isara ang Watch Tower Society. Idinulog ng mga brother ang kaso sa korte. Nagpatuloy ang kaso hanggang noong Abril 8, 1957, nang magdesisyon ang bagong presidente pabor sa Watch Tower Bible and Tract Society.

Habang kinakaharap ng mga kapatid ang kasong ito, patuloy na pinagpapala ni Jehova ang gawaing pangangaral. Sinabi ni Brother Djalma Mendes Souto, na nabautismuhan noong 1941 at isa sa orihinal na mga miyembro ng Watch Tower Society sa Brazil: “Hindi kailanman nabawasan ang pananampalataya, kasigasigan, at pagtitiwala namin kay Jehova, kaya patuloy na dumami ang mga mamamahayag. Tuwang-tuwa kami noong 1947 nang lumampas sa 1,000 ang dami ng mamamahayag sa bansa sa kauna-unahang pagkakataon.”

Mula noon, lumobo ang bilang ng mga Saksi ni Jehova sa Brazil. Noong 2021, naabot ng Brazil ang pinakamataas na bilang ng mga Saksi sa bansa na 913,479, at 2,184,856 ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Ang 2021 “Pinapalakas ng Pananampalataya!” na Kombensiyon ay isinalin sa 15 wika, at 10 dito ay katutubong wika.

Napapatibay tayo habang patuloy na pinagpapala ni Jehova ang gawain sa Brazil. Ang pagtitiis ng mga kapatid natin sa kabila ng mga problema sa batas ay nagpapatunay na inililigtas ni Jehova ang mga umaasa sa kaniya.—Isaias 25:9.