Pumunta sa nilalaman

DISYEMBRE 8, 2020
BULGARIA

Desisyon ng European Court of Human Rights, Pabor sa mga Saksi ni Jehova sa Bulgaria

Desisyon ng European Court of Human Rights, Pabor sa mga Saksi ni Jehova sa Bulgaria

Noong Nobyembre 10, 2020, nagdesisyon ang European Court of Human Rights (ECHR) na nilabag ng gobyerno ng Bulgaria ang karapatan ng mga kapatid natin sa malayang pagsamba. Dahil dito, dapat nang payagan ng mga awtoridad na ituloy ang pagtatayo ng isang Kingdom Hall sa Varna, Bulgaria. Mahigit 10 taon nang ipinahinto ang proyektong ito. Iniutos din ng ECHR sa Bulgaria na magbayad ng danyos na 9,600 euro ($11,500 U.S.) sa mga kapatid natin.

Ang kaso ay tungkol sa pagtatayo ng isang Kingdom Hall sa nabiling lote ng ating mga kapatid noong Enero 2006. Nagbigay ng permit ang munisipyo ng Varna noong Mayo 2007, at sinimulan agad ng mga kapatid ang pagtatayo. Pero noong Hulyo nang taon ding iyon, ipinahinto ng mayor ang proyekto dahil hindi raw nakakasunod sa tamang paraan ng pagtatayo ang mga kapatid. Nang buwan ding iyon, isang kilaláng partido sa politika sa Bulgaria ang naglagay ng mga poster sa site at nag-organisa ng isang malaking protesta sa pagtatayo.

Ayon sa naging desisyon ng ECHR, naglabas ang munisipyo ng Varna ng statement na naninira sa mga Saksi ni Jehova at nagbigay ng “hayagang pagsuporta sa mga protesta.” At ang mayor ay nagsabi rin sa media na suportado niya ang mga protesta.

Kitang-kita ang diskriminasyon ng mayor at ng iba pang opisyal sa mga Saksi ni Jehova. Pero ayon sa kanila, ipinahinto nila ang proyekto dahil sa mga problema sa zoning at hindi dahil sa diskriminasyon.

Maraming beses na umapela ang mga kapatid natin sa mga korte sa Bulgaria, pati na sa Supreme Administrative Court, pero walang nangyari. May panahon nga na nagrenta pa ng pasilidad ang isang kongregasyon doon para sa mga pulong nila.

Ayon sa ECHR, hindi tama ang ginawa ng mga opisyal. Sa desisyon ng Korte, na may botong 6-1, sinabi nito na ang ginawa ng munisipyo ng Varna na pagpapahinto sa pagtatayo ng Kingdom Hall ay paglabag sa “karapatan sa kalayaan ng pag-iisip, konsensiya at relihiyon,” gaya ng nakasaad sa Article 9 at 11 ng European Convention on Human Rights.

Umaasa ang mga kapatid natin na susundin ng mga opisyal ng lunsod ang naging desisyon ng ECHR at papayagan na silang tapusin ang pagtatayo ng Kingdom Hall. Alam nilang malaki ang maitutulong nito sa mga tao sa lugar nila at magbibigay ito ng kapurihan sa pangalan ni Jehova sa lunsod ng Varna. Nagpapasalamat tayo sa tulong ni Jehova.—Awit 54:4.