Maikling Impormasyon—Bulgaria
Ang mga Saksi ni Jehova ay aktibo na sa Bulgaria mula pa noong 1888. Noong 1938, nagparehistro sila bilang isang pambansang legal na korporasyon pero nawalan ng bisa ang rehistrong iyon nang ang bansa ay sumailalim sa kontrol ng mga Komunista noong 1944. Ang mga Saksi ay dumanas ng matinding paghihigpit hanggang noong 1991, nang opisyal na irehistro ang kanilang legal na korporasyon, ang Christian Association of Jehovah’s Witnesses. Pero noong 1994, pagkatapos ng hayagang kampanya ng paninira laban sa “di-tradisyonal” na mga relihiyon at pagpapasa ng mahigpit na batas tungkol sa relihiyon, naiwala ng mga Saksi ni Jehova at ng iba pang maliliit na grupo ng relihiyon ang kanilang legal na katayuan. Pagkatapos, inaresto ng mga pulis ang mga Saksi, pinahinto ang kanilang mga pulong sa pagsamba, at kinumpiska ang kanilang mga literatura. Walang ibinigay na legal na proteksiyon sa mga Saksi ang mga korte sa Bulgaria.
Pagkatapos gawin ang lahat ng magagawang legal na pamamaraan sa bansa, ang mga Saksi ay dumulog sa European Court of Human Rights (ECHR). Noong 1998, 2001, at 2004, tinanggap ng ECHR ang mga kasunduan sa pagitan ng mga Saksi at ng gobyerno ng Bulgaria. Kasunod ng mga kasunduang ito, muling inirehistro ng gobyerno ang mga Saksi ni Jehova bilang isang relihiyon. Pinagtibay rin nito ang karapatan nila sa malayang pagsamba, kasama na ang karapatang tumanggi sa pagsusundalo udyok ng budhi, ang karapatang magsagawa ng alternatibong serbisyong pansibilyan, at ang karapatang ipahayag ang kanilang paniniwala nang walang paghadlang.
Ang mga Saksi ni Jehova sa Bulgaria ay nagpapasalamat sa tinatamasa nilang kalayaang sumamba at maisagawa ang kanilang relihiyosong mga gawain nang mapayapa. Pero sa ilang munisipalidad, hinihigpitan pa rin ang relihiyosong gawain ng mga Saksi sa pamamagitan ng maling paggamit ng lokal na mga ordinansa sa kanilang pangangaral o pagtangging magbigay ng mga zoning permit para sa kanilang mga Kingdom Hall. Bukod diyan, sinasaktan at nililigalig ng ilang taong-bayan ang mga Saksi ni Jehova. Bagaman tumutulong nang kaunti ang kapulisan, karaniwan nang hindi nila pinag-uusig ang mga nang-aatake o pinoprotektahan ang mga biktima. Patuloy na nakikipag-usap ang mga Saksi sa mga opisyal ng Bulgaria para lutasin ang mga isyung ito, at isang kaso tungkol sa permit para sa isang Kingdom Hall ang kasalukuyang nasa ECHR.