Pumunta sa nilalaman

ENERO 8, 2021
BALITA SA BUONG DAIGDIG

2020 Kampanya Para sa Kaharian: Napatibay ng “Di-malilimutang Pangyayari” ang mga Kapatid sa Buong Mundo

2020 Kampanya Para sa Kaharian: Napatibay ng “Di-malilimutang Pangyayari” ang mga Kapatid sa Buong Mundo

Ang ministeryo natin noong Nobyembre 2020 ay maituturing na isang di-malilimutang pangyayari sa kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova. Dahil sa nakakamatay na pandemic, karamihan sa atin ay hindi nakakalabas ng bahay. Pansamantalang itinigil ang mga nakasanayan nating paraan ng pangangaral. Pero ang bayan ni Jehova ay nakagawa ng isang pangglobong kampanya para maipangaral ang Kaharian ng Diyos. Sa buong mundo, milyon-milyon ang nagsikap na makapagbigay ng Bantayan Blg. 2 2020 sa mga lugar ng negosyo, opisyal ng gobyerno, guro, kaibigan, kamag-anak, at mga tao sa pangkalahatan. Nabuksan ng gawaing ito ang isipan ng mga handang makinig. Pero hindi lang iyon. Naging masaya rin ang lahat ng tumulong dito at napatibay ang pananampalataya nila.

Tingnan ang ilang karanasan at sinabi ng mga kapatid sa iba’t ibang lugar.

AUSTRALASIA

Si Sister Lucinda Furkin

Isang 18 years old at bagong bautisadong sister na taga-Australia, si Lucinda Furkin, ang sumulat: “Kahit may iniinda akong malalang mga problema sa kalusugan noong kasagsagan ng kampanya, naramdaman kong pinapatibay ni Jehova ang loob ko. Para niyang hinahawakan ang kamay ko, at ibinibigay niya ang lakas na kailangan ko para makapagtiis.”

Ikinuwento naman ng isang ama na taga-New Zealand kung paano natulungan ng kampanya ang pamilya niya: “May apat kaming anak na babae na 7, 9, 11, at 13 years old. Itinuring namin na sa amin mismo ipinagawa ng maibiging Ama natin, si Jehova, ang pambuong-daigdig na kampanya. Nakatulong ito sa pamilya namin para araw-araw pa rin kaming makapagministeryo.”

BOTSWANA

Sina Kagiso at Lydia Marumo, na nasa gawaing pansirkito, ay nagpadala ng electronic file ng magasin sa mga kamag-anak nilang hindi Saksi. May mga nagpasalamat sa kanila. Sinabi ng isang doktor na kamag-anak ni Kagiso na sakto ang dating ng magasin. May mga pasyente kasi siya na nagtatanong tungkol sa Diyos at Bibliya, at ang mga anak niya mismo ay nagsasagawa ng okultismo. Kinontak ng mag-asawang Marumo ang kamag-anak nilang ito at na-Bible study noong gabi ring iyon. Dalawang beses sa isang linggo na silang nagba-Bible study ngayon.

Si Brother Kagiso Marumo kasama ang asawa niyang si Lydia

CANADA

Si Sister Soroya Thompson

Isinulat ni Soroya Thompson, isang sister na pioneer na taga-Ontario: “Dahil sa kampanya, nakapagpokus ulit ako sa pinakaimportanteng bagay at nakita ko kung gaano pa karami ang dapat gawin. Ipinaalala rin nito ang pagmamahal ni Jehova at pinatunayan na hindi niya talaga gustong mapuksa ang kahit sino. Lagi kong iniisip iyan. Kaya lalo akong naging pursigidong mangaral noong panahon ng kampanya.”

Sinabi ng isang sister na taga-British Columbia: “Noong nakaka-stress na panahong iyon, nag-auxiliary pioneer ako para hindi ako ma-depress. Nakatulong ito para gumaan ang pakiramdam ko, at natulungan din nito ang pamilya ko.”

Ayon sa report ng sangay sa Canada, nakatulong ang kampanya na maging malapít sa isa’t isa ang mga pamilya. Tuwang-tuwa rin ang mga bata dahil nararamdaman nila na may naitutulong sila sa ministeryo kapag gumagawa sila ng mga simpleng sulat, naglalagay ng label sa mga sobre, nagdidikit ng mga stamp, at naghahanap ng mga adres.

FINLAND

Sinabi nina Brother at Sister Tuomisto, na nasa gawaing pansirkito: “Nobyembre ang pinakamadilim na panahon sa buong taon dito sa north. Kaya laking pasasalamat ng mga kapatid, lalo na ng mga pioneer, sa kampanya, dahil nagbigay ito ng liwanag sa madilim na panahong iyon.”

Si Brother Timo Tuomisto kasama ang asawa niyang si Eeva

Matapos ipadala ng isang mag-asawa ang magasin sa isang kakilala nila, tumanggap sila ng isang sulat ng pasasalamat. Sinasabi nito: “Ngayon, [binabasa ko ang aklat ng Bibliya] na Santiago. Sinasabi nito na ang pananampalataya na walang gawa ay patay. Laging lumalapit ang mga Saksi ni Jehova sa mga tao para ipaliwanag at ituro ang Bibliya. Nakakapagpatibay ng pananampalataya ang ginagawa nila.”

GREECE

Sinabi ng sangay sa Greece: “Para sa marami, nakakapagod ang pandemic at ang ipinapatupad na mga restriksiyon at lockdown. Dahil sa kampanya, nabuhayan sila ng loob na kailangang-kailangan nila sa panahong ito. Marami ang nagsabi na talagang napasigla sila ng kampanya.”

Si Sister Suzie Kontargiri

Si Sister Suzie Kontargiri ay nag-auxiliary pioneer kahit may mga problema siya sa kalusugan at di-Saksi ang mister niya. Sinabi niya: “Dahil sa kampanya, hindi na ako nade-depress. Masaya akong gumigising sa umaga, gumagawa sa bahay, nagluluto, inaasikaso ang asawa ko, at saka ako nagmiministeryo. Madalas nga, sinasabi ng mister kong di-Saksi: ‘Hindi ba kayo mangangaral ngayon?’ Nasanay kasi siya na nakikita ako na masayang nangangaral kasama ang ibang mga sister.”

JAPAN

Sumulat sa mga opisyal ng gobyerno si Sister Tamaki Hirota. Sinabi niya: “Si Jehova ang unang-unang gumamit ng sulat para magpatotoo. Sumulat siya ng 66 na liham para sa mga tao, na paulit-ulit nilang binasa sa mahabang panahon, para maging malapít sa Kaniya. Alam ni Jehova na epektibo ang paraang ito. Ang kampanya ay isang di-malilimutang pangyayari.”

Si Sister Tamaki Hirota

SRI LANKA

Iisang adres ang naibigay kina Sister Meharaja Vijaya at Sister Imayanathan Amutha para sulatan nila. Itinapon ng lalaking sinulatan nila ang unang sulat nang hindi man lang ito binubuksan. Pagkatapos, nakita niya ang ikalawang sulat. Naisip niya na napakahalaga siguro ng sinasabi ng sulat na ito kaya dalawang beses ipinadala. Binasa niya ang magasin, tinawagan ang sister na nagpadala ng ikalawang sulat, at nagpa-Bible study siya.

Mula sa kaliwa pakanan: Si Sister Meharaja Vijaya at Sister Imayanathan Amutha

Isang opisyal ng gobyerno ang tumawag sa sangay sa Sri Lanka nang matanggap niya ang magasin. Sinabi niya na wala pa siyang nakikilalang Saksi ni Jehova kahit Kristiyano siya. Nagandahan siya sa nilalaman ng ating magasin at sa ating website, kaya itinanong niya: “Paano ba ako magiging isang Saksi ni Jehova?” Agad na isinaayos na makausap siya ulit.

UNITED STATES

Ipinaliwanag ng isang 13 years old na Saksi na nag-aaral sa isang paaralan kung saan madalas na pinag-uusapan ang politika kung paano nakatulong sa kaniya ang kampanya noong Nobyembre: “Mas lumakas ang loob ko na ipaliwanag sa mga guro ko kung bakit ako neutral. Lalong tumibay ang pananampalataya ko.”

Si Sister Margit Haring

Ganiyan din ang naramdaman ni Sister Margit Haring. Isinulat niya: “Lumakas ang loob ko at naging masigasig ako. Dati, iniisip ko pa lang na makikipag-usap ako sa mga negosyante at opisyal ng gobyerno, kinakabahan na ako. Natutuhan kong ipaliwanag ang mga paniniwala ko sa mahinahong paraan, at magandang paghahanda iyon para sa hinaharap.”

Sinabi naman ng isang elder: “Naantig ang puso ko kasi maraming nag-pioneer kahit may iniinda silang malalang problema sa kalusugan. Puwedeng hindi na sana nila ginawa iyon. Pero sinamantala nila ang pagkakataon na makatulong sa kampanya. Dahil sa pagiging masaya nila at pagpapahalaga kay Jehova at sa mga kapatid nila, madalas na napapaluha ang lahat.”

Marami pang ibang mga karanasan at kuwento mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo, pero hindi na natin masasabi ang lahat ng iyon. Talagang napakasaya na milyon-milyon ang napaabutan ng mensahe ng Kaharian.—Juan 15:11.