ABRIL 22, 2020
BALITA SA BUONG DAIGDIG
2020 Memoryal—Asia
Nakadalo sa Memoryal ang mga May-edad at May-sakit na Kapatid sa Japan at South Korea
Dahil sa COVID-19, nahirapang makapag-Memoryal ang mga kapatid na nakatira sa mga medical facility o nursing home. Karamihan sa kanila ay hindi puwedeng umalis ng pasilidad o tumanggap ng mga bisita. Pero sa tulong ng mga elder, nakasama sila sa pinakamahalagang okasyon ng taon.
South Korea
Sa Naju City, determinadong makapag-Memoryal sina Sister Lee Jeom-soon at Sister Kwon Ae-soon, mga edad 91 at 88, pati na ang isang 96-anyos na babaeng interesado. Saksi ni Jehova ang isang doktor sa nursing home nila. Nag-Memoryal sa bahay ang brother na ito kasama ang kongregasyon niya. Pagkatapos nito, bumalik siya sa nursing home para tulungan ang tatlong may-edad na babae na makapanood ng Memoryal sa jw.org. Nagdala rin ang brother ng mga emblema.
Sa Uijeongbu City, nagtatrabaho si Brother Choi Jae-cheol sa isang nursing home kung saan nakatira ang 14 na may-edad na kapatid. Kahit may pandemic, natulungan ng brother ang mga kapatid, pati na ang mga interesado, na makapanood ng Memoryal. Nagpa-Bible study ang ilan sa mga interesadong nakapanood.
Nakatira si Sister Kim Tae-sun, 59 anyos, sa Cheonan. Si Sister Kim ay na-diagnose na may cancer limang taon na ang nakakalipas. Kamakailan lang, naospital siya dahil may nararamdaman siyang matinding sakit. Kasama niya sa kuwarto ng ospital ang isa pang 69-anyos na sister na si Kim Jeong-mi na may terminal cancer. Hindi puwedeng umalis ng ospital ang mga sister na ito dahil sa pandemic. Pero sa tulong ng mga elder, nakapag-Memoryal sila at nakasama nila ang mga kakongregasyon nila gamit ang videoconference.
Sumulat ang dalawang sister na ito para magpasalamat sa mga elder. Sinabi nila: “Maraming salamat sa inyo kasi nakapag-Memoryal kami at nakasama namin ang mga kapatid kahit may COVID-19 at may sakit kami.”
Japan
Naospital si Sister Mieko Fujiwara, isang 70-anyos na sister na nakatira sa Mie Prefecture, Japan. Dahil walang Wi-Fi Internet sa ospital, hindi siya maka-connect sa videoconference ng kongregasyon para sa Memoryal. Pero bago nito, nakapagpadala na ang isang elder at ang asawa nito ng nakarekord na pahayag sa Memoryal sa kaniyang cellphone kaya nakapanood siya sa ospital.
Sa Zama City, Kanagawa Prefecture, nakatira sa isang nursing home ang 102-anyos na si Sister Yuki Takeuchi. Bago ang Memoryal, pinadalhan siya ng manugang niyang lalaki at ng asawa nito ng mga emblema. Pagkatapos, noong araw ng Memoryal, tinawagan siya ng anak niyang babae at ng asawa nito para mapakinggan niya ang pahayag.
Sinabi ng manugang niya na si Brother Mimura: “Nabautismuhan ang biyenan ko noong 1954, at hindi pa siya nagmintis sa pagdalo sa Memoryal. Kahit kakaiba ang Memoryal ngayong taon, masayang-masaya siya kasi nakadalo pa rin siya.”
Nagtitiwala tayo na nakikita ni Jehova ang mga pagsisikap ng mga may-edad na kapatid na ito na alalahanin ang kamatayan ni Kristo sa tulong ng mga elder.—Hebreo 6:10.