ABRIL 10, 2020
BALITA SA BUONG DAIGDIG
2020 Memoryal—Mga Pasilidad sa Bethel sa United States
Noong Abril 7, 2020, habang patuloy na kumakalat ang coronavirus, inalaala ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo ang Memoryal ng kamatayan ni Jesu-Kristo. Gaya ng sinabi ni Brother Stephen Lett, miyembro ng Lupong Tagapamahala: “Walang virus, o epidemya sa mundong ito, ang makakapag-alis ng pagpapahalaga natin sa ginawa ni Jehova at ni Jesus para sa atin. Wala ring makapagpapahina sa determinasyon natin na alalahanin ang Hapunan ng Panginoon.” Paano natin napatunayan iyan ngayong taon?
Ito ang una sa serye ng mga artikulo sa Newsroom natin na magbabalita kung paano inalaala ng mga kapatid sa buong mundo ang Memoryal sa panahong ito na may coronavirus. Sa unang artikulong ito, tingnan natin kung paano inalaala ang Memoryal sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova at sa tanggapang pansangay sa United States.
Para masunod ang mga restriksiyon ng gobyerno tungkol sa malalaking pagtitipon, nagpasiya ang Lupong Tagapamahala na magkaroon ng isang programa ng Memoryal na mapapanood ng pamilyang Bethel. Ibinigay ni Brother Anthony Morris ang pahayag sa awditoryum ng Warwick. Puwede itong panoorin ng pamilyang Bethel sa United States sa kani-kanilang kuwarto. Kahit na kaunti lang ang nakikibahagi sa mga emblema, nagbigay pa rin ang Bethel Office ng mga emblema para sa lahat ng nasa Bethel.
Puwede ring mag-Memoryal ang mga Bethelite sa sarili nilang kongregasyon gamit ang videoconference. Bukod diyan, may mga Bethelite na elder na nagbigay ng pahayag para sa Memoryal gamit ang videoconference.
Maraming Bethelite ang nagsabi na napakaespesyal ng Memoryal na ito. Kahit na malayo sila sa mga kapananampalataya nila, ramdam pa rin nila na kasama nila ang mga kapatid sa buong mundo sa pag-alaala sa dalawang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig ng ating Diyos, si Jehova, at ng kaniyang pinakamamahal na Anak, si Jesu-Kristo.—Juan 3:16; Mateo 20:28.