Pumunta sa nilalaman

HULYO 3, 2020
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Anim na Bibliya—Inilabas Noong Hunyo 28, 2020

Anim na Bibliya—Inilabas Noong Hunyo 28, 2020

Sa nangyayaring pandemic ng coronavirus sa buong mundo, patuloy ang mga Saksi ni Jehova sa paglalabas ng Bibliya sa bagong mga wika. Noong Hunyo 28, 2020, inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa apat na wika: Swati, Tsonga, Zulu, at Chitonga. Inilabas din ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Belize Kriol at Totonac. Kahit na hindi makapagtipon nang sama-sama ang ating mga kapatid dahil sa pandemic ng COVID-19, masaya pa rin silang tumanggap ng mga Bibliyang ito sa elektronikong format. Inilabas ang mga Bibliyang ito sa mga pahayag na patiunang inirekord, at na ang programa ay pinanood ng mga kapatid sa pamamagitan ng videoconference o video streaming.

Swati, Tsonga, at Zulu

Inilabas ni Brother Geoffrey Jackson, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Swati at ang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Tsonga at Zulu sa elektronikong format (tingnan ang larawan sa itaas). Pinanood ng mga kapatid sa South Africa at Eswatini ang espesyal na pagtitipong ito.

Ang pabalat ng bagong labas na mga Bibliya sa Swati, Tsonga, at Zulu (mula kaliwa pakanan)

Sa teritoryong sakop ng sangay sa South Africa, tinatayang 18.5 milyon ang nagsasalita ng Swati, Tsonga, at Zulu, kasama na ang mahigit 38,000 mamamahayag.

Chitonga (Malawi)

Inilabas ni Brother Augustine Semo, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Malawi, ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Chitonga (Malawi).

Mahigit dalawang taon ang ginugol ng translation team para maisalin ang kumpletong bagong Bibliya sa Chitonga. Sinabi ng isang translator: “May tatlong diyalekto sa wikang Chitonga. Ginagamit ng mga tao sa isang rehiyon ang mga salitang hindi naiintindihan sa ibang rehiyon. Maingat naming pinili ang mga salitang nauunawaan ng karamihan. Gumamit din kami ng mga talababa para linawin ang mga terminong baka hindi maiintindihan ng mambabasa.”

Sinabi pa ng isang translator: “Madaling magagamit ng mga kapatid ang Bibliyang ito sa ministeryo o sa mga pulong kasi simple at malinaw ang mga salitang ginamit dito, kaya madali itong basahin at maintindihan.”

Belize Kriol

Inilabas ni Brother Joshua Killgore, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Central America, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Belize Kriol. Napanood ng mahigit 1,300 ang programa.

Labing anim na buwan ang ginugol ng isang grupo ng anim na translator para makumpleto ang proyekto. Sinabi ng isa sa kanila ang mga pakinabang ng bagong salin: “Mayroon na ngayong tumpak at maaasahang salin ng Bibliya ang ating mga kapatid. Gaya ito ng isang lampara na nagbibigay-liwanag sa pang-unawa nila.”

“Sa gitna ng pandemic ng COVID-19, mababasa na ng mga kapatid na nagsasalita ng Belize Kriol ang Kasulatan sa wika nila,” ang sabi ng isa pang translator. “Makakatulong ito na mapanatag sila at matiis ang mga problema sa hinaharap.”

Sa Belize, may 867 mamamahayag sa 19 na kongregasyong nagsasalita ng Belize Kriol. Mayroon ding 58 kapatid na naglilingkod sa Belize Kriol sa United States.

Totonac

Inilabas ni Brother Jesse Pérez, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Central America, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Totonac. Tinatayang 2,200 ang nakapanood ng programa mula sa 50 kongregasyon na nagsasalita ng Totonac sa teritoryong sakop ng sangay.

Natapos ng translation team ang proyektong ito sa loob lang ng mahigit tatlong taon. Malaking tulong ang salin na ito kapag nangangaral ng mabuting balita sa mahigit 250,000 nagsasalita ng Totonac sa Mexico.

Di-gaya ng ibang Bibliya sa wikang Totonac, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay “gumagamit ng pang-araw-araw naming wika,” ang sabi ng isang translator. “Mas madali na ngayong ipaliwanag sa mga tao sa aming komunidad ang iba’t ibang paksa sa Bibliya.”

“Matagal nang naghihintay ang ating mga kapatid para sa Bibliyang gaya nito,” ang sabi ng isa pang miyembro ng translation team. “Dati, may mga kapatid na gumawa ng sarili nilang salin sa Totonac ng ilang teksto sa Bibliya mula sa bersiyong Spanish para iharap ang bahagi nila sa midweek. Pero hindi na nila kailangang gawin ito kapag Griegong Kasulatan ang sinisipi.”

Ang isang mahalagang bahagi ng bagong salin na ito ay ang mga talababa na nagbibigay ng iba’t ibang salin ng ilang termino na lumilitaw sa pangunahing teksto. Ang mga ito ay singkahulugan ng ginagamit ng mga nagsasalita ng ibang diyalektong Totonac, kaya maiintindihan ang saling ito ng Bibliya ng lahat ng nagsasalita ng wikang Totonac.

Natutuwa tayo sa ating mga kapatid na tumanggap ng mga Bibliyang ito sa wika nila. Alam nating mapapatibay ang pananampalataya nila habang ginagamit nila ang ‘espada ng espiritu’ sa kanilang ministeryo at personal na pag-aaral.—Hebreo 4:12.