Pumunta sa nilalaman

Sa nakalipas na dalawang taon, nakinabang ang mga kapatid at mga interesado na bulag o may problema sa paningin sa mga audio description

ENERO 26, 2022
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Audio Description—Malaking Tulong sa mga Bulag at May Problema sa Paningin Para Maintindihan ang mga Programa ng Kombensiyon

Audio Description—Malaking Tulong sa mga Bulag at May Problema sa Paningin Para Maintindihan ang mga Programa ng Kombensiyon

Ikatlong taon na ngayon na gagamitin sa ating taunang kombensiyon ang mga audio description. Sa mga video na may mga audio description, ipinapaliwanag ang mga larawan at mga eksena sa video para sa mga bulag o may problema sa paningin. Bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng mga Saksi ni Jehova na maging available ang impormasyong salig sa Bibliya sa tinatayang 43 milyong bulag at 295 milyong may problema sa paningin.

Sinabi ni Dr. Joel Snyder, presidente ng Audio Description Associates, LLC at kilaláng eksperto sa audio description, ang tungkol sa mga pagsisikap na ito: “Hanga ako sa mga Saksi ni Jehova na patuloy na gumagawa ng mga audio description para maging available ang impormasyon. Hindi iniisip ng karamihan na isama ang audio description sa ginagawa nilang mga video para sa mga bulag. Kaya salamat sa inyo, mga Saksi ni Jehova.”

Nang magpasiya ang Lupong Tagapamahala na gawing virtual ang 2020 taunang kombensiyon dahil sa pandemic, napagpasiyahan na isama ang mga audio description. Noong 2020, ang Translation Services sa Pandaigdig na Punong-Tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Warwick, New York, U.S.A., ay gumawa ng mga audio description para sa kombensiyon. Noong 2021, ipinasa ang paggawa nito sa Text Processing Services sa Watchtower Educational Center ng mga Saksi ni Jehova sa Patterson, New York. Ang audio description team ay tumanggap ng pagsasanay sa isang online seminar tungkol sa paggawa ng mga audio description na madaling maintindihan.

Sinabi ni Dr. Snyder na “puwedeng sanayin ang mga tao para maging mahusay sila sa paglalarawan ng mga bagay.” Magagawa ito sa “paggamit ng mga salitang simple, malinaw, at madaling maintindihan.”

Ang proseso ng paggawa ng audio description: (1) Pinapakinggan ng audio description team ang audio ng isang video; (2) inihahanda nila ang script; (3) inirerekord ng voice actor ang mga audio description; (4) ipinapadala ang translation package ng mga audio description sa lahat ng sangay

Kapag gumagawa ng isang bahagi ng kombensiyon, papakinggan muna ng team ng mga Saksi ni Jehova ang isang bahagi ng audio ng kombensiyon. Hindi nila panonoorin ang video para maunawaan kung maririnig ba ng isa na bulag o may problema sa paningin ang bahaging iyon ng kombensiyon. Isusulat ng bawat miyembro ng team ang obserbasyon nila. Pagkatapos, muling papanoorin ng grupo ang video, at bibigyang-pansin ang mga paghinto sa pagitan ng anumang usapan o diyalogo dahil dito isisingit ang mga audio description.

Talagang hamon ang pagsisingit ng mga audio description sa mga usapan sa video. “Dahil limitado ang space,” sabi ni Michael Millen, na nagtatrabaho sa audio description team ng mga Saksi ni Jehova, “kailangan naming magpasiya kung ano ang pinakamahalaga para maunawaan ang video. Sinisikap naming itira ang mga detalye tungkol sa oras, lugar, mga gumaganap o aktor, at ang mga ginagawa nila.”

Hindi dapat magbigay ng kanilang opinyon ang audio description team tungkol sa nakita nila sa video. Pinapayuhan ni Dr. Snyder ang mga audio describer sa kaniyang aklat na The Visual Made Verbal: “Hayaan ninyong ma-imagine ng mga nakikinig ang nangyayari sa eksena batay sa paglalarawan dito ng audio description. Huwag ninyong sabihin: ‘Nagngingitngit siya,’ o ‘Naguguluhan siya.’ Sa halip, puwede ninyong sabihin: ‘Mahigpit ang pagkakasara ng kamay niya,’ o ‘Umiiyak siya.’”

Kapag tapos nang isulat ng audio description team ang kanilang script, irerekord ng voice actor ang mga audio description. Dapat niya itong basahin nang mahinahon. Sinabi ni Michael Millen: “Hindi dapat makipagkompetensiya ang voice actor sa mga tauhan sa video. Kung masyadong masigla o emosyonal ang aktor, baka isipin ng tagapakinig na ang voice actor ay isa pang tauhan sa video.”

Isang technical crew ang gagawa ng mga final edit, at ipapadala ito sa lahat ng sangay para maisalin at mairekord ang mga audio description sa kani-kanilang wika. Sinabi ni Michael na sa nakalipas na dalawang kombensiyon, ang buong proseso sa paggawa ng mga audio description ay matrabaho. Gumugol ang team ng mga tatlong oras sa bawat isang minuto ng video.

Sa ngayon, isinasalin ng mga Saksi ni Jehova ang mga literatura at publikasyong salig sa Bibliya sa mahigit 1,000 wika. Kahit na ang mga audio description ay hindi kasali sa bilang na iyan, iniisip ng ilan na para din itong isang wika. “Ang mga audio description ay talagang isang salin para sa mga bulag,” ang sabi ni Michael. “Ang mga larawan sa video ay isinasalin at binabasa para marinig nila.”

Nagpapasalamat tayo na tinitiyak ni Jehova na ang lahat ng tao, anuman ang kanilang kalagayan, ay makakatanggap ng saganang espirituwal na pagkain para patibayin ang kanilang pananampalataya!—Isaias 65:13.