HULYO 10, 2020
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Bibliya, Inilabas sa Karagdagang Anim na Wika
Isang linggo matapos ilabas ang Bibliya sa anim na wika, muling naglabas ang mga Saksi ni Jehova ng Bibliya sa karagdagang anim na wika. Noong Hulyo 4, 2020, inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Bislama at Oromo. Kinabukasan, Hulyo 5, inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin sa Latvian at Marathi, at inilabas naman ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Bengali at Karen (S’gaw). Sa prerecorded na mga pahayag, inilabas ang mga Bibliya sa elektronikong format. Naka-tie in sa espesyal na mga programa ang mga kapatid at masaya nilang tinanggap ang mga regalong ito mula kay Jehova.
Bislama
Ang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin ay inilabas sa Bislama ni Brother Mark Sleger, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Fiji. Naka-tie in sa programa ang mga kapatid sa Vanuatu, na iniharap sa Bislama at ininterpret sa Bislama Sign Language.
Tumagal nang mahigit tatlong taon ang pagsasalin ng Bibliya, at ginawa ng dalawang translation team. Sinabi ng isang translator: “Magugustuhan ng mga kapatid ang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin dahil madali itong basahin at ang ispeling nito ay makabago at nakaayon sa pang-araw-araw na wika. Makakatulong ito sa lahat na mas maunawaan ang katotohanan.”
Nagtitiwala kami na ang nirebisang Bibliya na ito ay tutulong sa mahigit 700 kapatid na nagsasalita ng Bislama sa kanilang personal na pag-aaral at ministeryo.
Oromo
Inilabas ni Brother Delroy Williamson, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Ethiopia, ang Bagong Sanlibutang Salin sa Oromo. May 12,548 kapatid na nakarinig o nakapanood ng programa, kasama na ang 2,000 mamamahayag na nagsasalita ng Oromo.
Dahil sa teknikal na mga limitasyon, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala na ibrodkast ang prerecorded na programa sa isang istasyon ng telebisyon. Napakinggan din ng mga kapatid ang programa sa pamamagitan ng telepono.
Limang taon ang ginugol ng limang translator sa pagsasalin. Malaking tulong ang paglalabas nito para sa mga kapatid na nangangaral sa mga nagsasalita ng wikang Oromo.
Latvian
Pagkatapos ng 12 taon ng pagsasalin, nailabas ang Bagong Sanlibutang Salin sa Latvian. Lahat ng kongregasyong nagsasalita ng Latvian at Russian sa Latvia ay inanyayahang manood ng programa.
Si Brother Jouni Palmu, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Finland, ang nagbigay ng pahayag sa paglalabas ng Bibliya. Sinabi niya: “Natutuwa kaming ilabas sa inyo ang saling ito ng Bibliya na madaling basahin para sa mga mambabasa ng Latvian. Umaasa kaming lalo kayong masisiyahan sa pagbabasa at pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos.”
Tungkol sa mga feature sa pagre-research ng bagong inilabas na Bibliya, sinabi ng isang miyembro ng translation team, “Ang bagong salin na ito ng Bibliya ay parang espirituwal na ‘gadyet’ na magagamit sa personal na pag-aaral at pagbubulay-bulay.”
Marathi
Ang Bagong Sanlibutang Salin sa Marathi ay inilabas sa isang programa para sa lahat ng kongregasyong nagsasalita ng Marathi sa India. Si Brother Puneet Aggarwal, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa India, ang naglabas ng Bibliya.
Tatlong taon ang ginugol ng anim na translator para matapos ang proyekto ng pagsasalin sa Marathi. Ganito ang sinabi ng isang miyembro ng translation team: “Malaki ang maitutulong ng saling ito sa mga magulang at sa mga nagtuturo ng Bibliya habang tinuturuan nila ang mga anak nila o ang mga interesado na malaman ang mga katotohanan sa Bibliya.”
Isa pang translator ang nagsabi: “Nakakatuwang malaman na isinauli ng Bibliyang ito ang pangalan ng Diyos na Jehova kung saan ito lumilitaw sa orihinal na teksto. Mababasa na ang pangalan ni Jehova sa halos lahat ng pahina ng saling ito, at maluluwalhati ang pangalan ni Jehova gaya ng nararapat dito.”
Mahigit 83 milyon ang nagsasalita ng Marathi sa central India.
Bengali
Ang Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Bengali ay inilabas ni Brother Ashok Patel, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa India. Mahigit 1,200 mamamahayag ang naka-tie in sa programa mula sa India at Bangladesh.
Mahigit 265 milyon ang nagsasalita ng Bengali, ang ikapito sa pinakakaraniwang wika sa mundo. Para makagawa ng isang salin na madaling maintindihan ng karamihang nagsasalita nito, nagtulong-tulong ang isang team ng mga translator mula sa iba’t ibang bahagi ng India at Bangladesh sa loob ng tatlong taon para matapos ang proyekto.
Sa pahayag ni Brother Patel, sinabi niya: “Ang Bibliya sa wikang Bengali ang isa sa unang Bibliya na naisalin sa mga wika sa India. Inilathala noong 1801 ang kumpletong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang kagandahan ng pinakaunang Bibliya sa Bengali ay ang wastong paggamit nito sa banal na pangalan ng Diyos, Jehova. Pero sa modernong mga salin, ang banal na pangalan ng Diyos ay pinalitan ng titulong ‘Panginoon.’ Ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na tumpak at madaling maintindihan na salin ang sasagot diyan.”
Sinabi ng isang miyembro ng translation team: “Ang salin na ito ay patunay na mahal ng Diyos na Jehova ang lahat ng tao kahit iba-iba ang pinagmulan nila at inaanyayahan niya sila na matuto tungkol sa kaniya at sa kaniyang anak, si Jesu-Kristo.”
Karen (S’gaw)
Inilabas ni Brother Hiroshi Aoki, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Myanmar, ang Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Karen (S’gaw). Naka-tie in sa programa ang 510 mula sa anim na kongregasyon at apat na grupo.
Mahigit isang taon lang ang ginugol ng mga translator sa Karen (S’gaw) para matapos ang proyekto. Sinabi ng isang miyembro ng translation team: “Matutuwa ang mga kapatid at ang iba sa pagbabasa ng inilabas na Bibliyang ito sa Karen (S’gaw) dahil ibinalik nito ang pangalang Jehova at modernong wika ang ginamit dito. Maliwanag ito, tumpak, at madaling maunawaan. Pinapasalamatan namin si Jehova sa napakagandang regalong ito na tutulong sa amin na mas mapalapít sa kaniya sa pamamagitan ng sarili naming wika.”
Isa pang translator ang nagsabi: “Ang Bagong Sanlibutang Salin ay isinulat sa makabagong wika para maintindihan ng mga mambabasa ang damdamin ng mga tauhan sa Bibliya, maisip ang mga sitwasyon nila, at matularan ang pananampalataya nila.”
Masaya tayo sa ating mga kapatid na tumanggap ng mga Bibliyang ito. Nagtitiwala tayo na makakatulong ang mga inilabas na Bibliya sa mga kapatid natin na nagsasalita ng mga wikang ito na patuloy na maging malapít kay Jehova at maibahagi ang katotohanan sa iba.—Juan 17:17.