Pumunta sa nilalaman

Si Brother Viktor Stashevskiy

MARSO 30, 2021
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Brother Viktor Stashevskiy, Hinatulan ng Korte ng Crimea na Mabilanggo Nang Anim at Kalahating Taon

Brother Viktor Stashevskiy, Hinatulan ng Korte ng Crimea na Mabilanggo Nang Anim at Kalahating Taon

UPDATE: Hindi Tinanggap ng Korte sa Russia ang Apela ni Brother Stashevskiy

Noong Agosto 10, 2021, hindi tinanggap ng Sevastopol City Court ang apela ni Viktor. Ipapatupad na ang sentensiya sa kaniya na pagkakabilanggo nang anim at kalahating taon. Ililipat siya sa bilangguan mula sa pretrial detention, kung saan siya nakaditine mula pa nang hatulan siya noong Marso 29, 2021.

Noong Marso 29, 2021, hinatulan ng Gagarinskiy District Court ng City of Sevastopol, Crimea, si Brother Viktor Stashevskiy na mabilanggo nang anim at kalahating taon. Agad na inaresto si Viktor at dinala sa detention center. Iaapela niya ang hatol.

Profile

Viktor Stashevskiy

  • Ipinanganak: 1966 (Kansk, Krasnoyarsk Territory, Russia)

  • Maikling Impormasyon: Lumipat sa Sevastopol, Crimea, noong 1983. Nagretiro mula sa navy noong 1993. Napangasawa si Larisa noong 2002. Mayroon silang dalawang anak na babae. Hangang-hanga siya sa kagandahan at kaayusan ng uniberso at gusto niyang makilala ang Maylikha nito. Nagkaroon ng kabuluhan ang buhay niya nang mag-aral siya ng Bibliya. Nabautismuhan bilang Saksi ni Jehova noong 2004

Kaso

Noong Hunyo 4, 2019, hinalughog ng mga pulis ng Federal Security Service (FSB) ang 10 bahay ng mga Saksi ni Jehova sa Sevastopol. Ang ilan sa mga raid ay tumagal nang apat na oras. Sa mga raid na iyon, hindi pinapayagan ng mga pulis ng FSB ang mga brother at ang kanilang pamilya na uminom ng tubig o gumamit ng banyo. Tinatakot din ng mga pulis ang mga brother na sisirain ng mga ito ang kanilang bahay at maglalagay ng ipinagbabawal na droga para masampahan sila ng kasong kriminal.

Inaresto si Brother Viktor Stashevskiy at magdamag na idinitine. Pinaratangan siyang “lider ng isang ekstremistang organisasyon.” Pero ang totoo, nililitis siya dahil sa kaniyang relihiyosong paniniwala, na maliwanag na isang paglabag sa kaniyang karapatan ayon sa konstitusyon.

Sinabi ni Viktor na nakatulong sa kaniya ang pagbabasa ng Bibliya at pagbubulay-bulay para magkaroon ng lakas ng loob at makapagtiis nang may kagalakan. Napatibay siya sa sinabi ni Haring David sa Awit 62:5-8. Sa mga pagsubok na naranasan niya, sinabi ni Viktor: “Naging mas malapít ako kay Jehova dahil lagi ko siyang kasama at naging mas malapít sa akin kaysa kaninuman. Siguradong nakikita ni Jehova ang paghihirap ko at na gusto kong makapanatiling tapat sa kaniya. Alam kong sa tamang panahon, ipagtatanggol niya ako alang-alang sa kaniyang dakilang pangalan.”

Alam nating tutulungan at pagpapalain ni Jehova si Viktor, ang pamilya niya, at ang lahat ng ating kapatid na dumaranas ng pag-uusig. Si Jehova ay patuloy na magiging kanilang kanlungan at moog.—Awit 91:2.