Pumunta sa nilalaman

Mula kaliwa pakanan: Mga Saksi sa Germany, Mexico, at South Africa

SETYEMBRE 14, 2022
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Bumalik ang mga Saksi ni Jehova sa Pangangaral sa Bahay-Bahay

Bumalik ang mga Saksi ni Jehova sa Pangangaral sa Bahay-Bahay

Noong Setyembre 1, 2022, tuwang-tuwa ang mga Saksi ni Jehova sa buong mundo na bumalik sa gawaing pangangaral sa bahay-bahay kung saan sila kilalang-kilala. Nakadagdag din sa saya nila ang espesyal na kampanya ng pag-aalok ng pag-aaral sa Bibliya. Para sa ilang kapatid, pagbabalik ito sa isang pamilyar at masayang anyo ng ministeryo. Para naman sa iba, ito ang unang pagkakataon nila na mapuntahan ang mga tao para ipakipag-usap ang mensahe ng Bibliya. Ipinapakita ng ilang karanasan mula sa buong mundo ang masayang pasimula ng 2023 taon ng paglilingkod.

Germany

Noong Setyembre 2, 2022, sina Nicole at Tina, dalawang sister sa Petershagen sa North Rhine-Westphalia, ay nangangaral sa isang apartment pero wala silang nakausap. Nang paalis na sila, isang babae ang tumawag sa kanila. Sinabi ng babae na hindi niya sila napagbuksan agad ng pinto nang kumatok sila, kaya niyaya niya sila na bumalik para mag-usap tungkol sa Bibliya. Pagpasok ng mga sister sa apartment niya, nakita nila ang isang kopya ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa mesa. Sa hitsura ng Bibliya, mukhang madalas niya itong basahin. Sinabi ng babae na natanggap niya ito noong nakatira siya sa Italy mga tatlong taon na ang nakakaraan. Hindi na niya nakontak ang mga Saksi ni Jehova nang lumipat siya sa Germany noong panahon ng pandemic. Nagpalitan sila ng contact information at niyaya siyang dumalo sa mga pulong. Makaraan ang dalawang araw, dumalo ang babae kasama ang dalawang anak niya. Gumawa ng kaayusan para ma-Bible study ang babae.

Guatemala

Nakilala nina Manuel at Karol Gastelum, mga special pioneer sa lugar na nagsasalita ng wikang Mam, ang isang mabait na babae na nagpapasok sa kanila sa bahay nito. Hindi alam ng babae na may pangalan pala ang Diyos, kaya tinalakay nila ang aralin 4 ng aklat na Masayang Buhay Magpakailanman na may pamagat na “Sino ang Diyos?” Nang basahin nila ang Isaias 42:8, gulat na gulat siyang makita ang pangalan ng Diyos na Jehova sa Bibliya niya.

Umiyak ang babae at sinabi na ngayon lang niya naisip na hindi sapat na mayroon siyang Bibliya, at na kailangan niyang malaman ang sinasabi nito para maisabuhay ang mensahe nito. Nang matapos nila ang aralin, nagpasalamat ang babae. Sinabi niyang sasabihin niya ito sa asawa niya. Nagsaayos sina Manuel at Karol na ipagpatuloy ang pag-uusap nila tungkol sa Bibliya.

Japan

Habang nakikibahagi sa ministeryo sa Yokohama, pinuntahan nina Brother at Sister Nukamori ang isang bahay na may intercom. Isang babae ang sumagot. Nagpakilala sila sa may-bahay, at sinabing mga Saksi ni Jehova sila. Sinabi sa kanila ng may-bahay na maghintay sa pinto. Nang buksan ng babae ang pinto, sinabi niya, “Matagal ko nang hinihintay na may dumalaw sa akin na mga Saksi ni Jehova.”

Sinabi ng babae na nagpa-Bible study siya sa mga Saksi ni Jehova sa Nagasaki. Lumipat siya sa Yokohama noong pandemic pero ipinagpatuloy niya ang Bible study sa pamamagitan ng Zoom. Maaga nitong linggong ito, sinabi ng nagba-Bible study sa kaniya: “Magkakaroon ng kampanya sa Setyembre. Tiyak na may dadalaw sa iyo na mga Saksi ni Jehova. Sabihin mo sa kanila na magpapa-Bible study ka diyan sa bahay mo.” Tuwang-tuwang ang babae na napuntahan siya kaagad ng mga Saksi. Sinabi ng babae na gusto niyang dumalo sa mga pulong at nagpa-schedule para sa susunod niyang Bible study.

Mga Saksi sa Japan na nangangaral sa bahay-bahay

Mexico

Nang alukin ng mag-asawa ang isang babae ng Bible study, sinabi ng babae na nakapag-Bible study na siya sa mga Saksi ni Jehova at nakadalo pa nga ng mga pulong sa kongregasyon maraming taon na ang nakalipas. Wala na siyang kontak sa mga Saksi at nahihiya na siyang lumapit uli sa mga Saksi kasi hindi na siya namumuhay ayon sa mga prinsipyo ng Bibliya. Pagkatapos, umiyak siya. Binasa ng mag-asawa ang Awit 10:17 at ipinaliwanag na hindi siya nakakalimutan ni Jehova. Pinapurihan din nila ang pagnanais niyang mamuhay ayon sa mga pamantayan ni Jehova. Pumayag siyang magpa-Bible study at sinabing gusto rin ng anak niyang lalaki na 16 years old na matuto nang higit tungkol sa Bibliya.

Pagbalik ng mag-asawa kinabukasan, naghihintay na ang babae at ang anak nito. Pagkatapos pag-aralan ang aralin 01 ng brosyur na Masayang Buhay Magpakailanman, inanyayahan sila ng mag-asawa na dumalo sa pulong noong weekend na iyon, at dumalo nga sila. Nagsabi sila na patuloy silang mag-aaral at dadalo sa mga pulong.

Puerto Rico

Isang mag-asawa sa Puerto Rico na nag-aalok ng brosyur na Masayang Buhay Magpakailanman sa isang babae

Nanalangin si Ramon na sana maibahagi niya ang mabuting balita sa unang araw na magbalik tayo sa ministeryo sa bahay-bahay. Nang pumunta siya sa unang bahay, bahagyang binuksan ng isang babae ang pinto at sumilip. Binati siya ni Ramon at nagpakilala. Bago pa niya masimulan ang presentasyon niya, sinabi ng babae: “Matagal ko nang hinihintay ito. Lagi kong ipinapanalangin na sana dumating kayo at dumalaw sa akin.”

Sinabi ng babae na may nakilala siyang mga Saksi mga ilang taon na ang nakakaraan at nakadalo na siya ng pulong sa kongregasyon. Pero lumipat siya at hindi na niya nakontak ang mga Saksi. Sinabi ni Ramon na pansamantalang inihinto ang pagbabahay-bahay noong panahon ng pandemic. Saka niya binasa ang Awit 37:29 at ipinaliwanag ang kaayusan para sa Bible study. Tinanggap agad ng babae ang Bible study. Isinaayos ni Ramon na madalaw siya ng isang sister.

Dahil sa karanasang ito, sinabi ni Ramon: “Alam kong inaakay tayo ni Jehova at ng mga anghel sa mga gustong makinig sa mabuting balita.”

United States

Nang dumalaw si Katelyn Thompson sa isang bahay sa Kentucky, napansin niya na may nakasulat na mga teksto sa Bibliya sa mailbox at may isang maliit na sign sa bakuran na kababasahan ng “Jesus Loves You.” Nang kumatok si Katelyn sa pinto, isang babae ang sumagot. Nagpakilala si Katelyn at sinabing hindi nakadalaw ang mga Saksi ni Jehova sa mga tao dahil sa COVID-19 pandemic. Sinabi rin niya na ang mga Saksi ay nag-letter writing at telephone witnessing noong panahon ng pandemic para patibayin at tulungan ang iba. Kinumusta ni Katelyn ang babae at ang pamilya nito. Ikinuwento ng babae na namatay ang tatay niya noong panahon ng pandemic. “Nakatanggap ako ng mga sulat mula sa inyo,” ang sabi niya, “at naniniwala akong tinutulungan ako ng Diyos sa panahong kailangang-kailangan ko ito!” Nakiramay si Katelyn at tinalakay ang aralin 02 ng brosyur na Masayang Buhay Magpakailanman. Binasa nila ang mga teksto sa aralin, at nagpokus sila sa pag-asa ng pagkabuhay-muli sa hinaharap. Umiyak ang babae. Sinabi niya na eksaktong isang taon nang araw na iyon mula nang mamatay ang tatay niya. Ibinigay ng babae ang contact information niya kay Katelyn at pumayag ito na bumalik si Katelyn. Pagkatapos, nakatanggap si Katelyn ng text message mula sa babae: “Salamat—talagang kailangan ko ng pampatibay ngayon!”

Talagang pinagpapala ni Jehova ang pagbabalik natin sa pangangaral sa bahay-bahay at ang kampanya na makapagpasimula ng mga Bible study. Sabik tayong malaman ang magagandang resulta sa hinaharap!—Juan 4:35.

 

Bahamas

Cameroon

Panama

Philippines

South Korea

United States