Pumunta sa nilalaman

NOBYEMBRE 14, 2019
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Espesyal na Kampanya Para sa mga Nagsasalita ng Arabic sa Austria at Germany

Espesyal na Kampanya Para sa mga Nagsasalita ng Arabic sa Austria at Germany

Mula Agosto 31 hanggang Oktubre 26, 2019, ang mga kapatid mula sa 19 na bansa ay nakibahagi sa isang kampanya ng pagtuturo sa Bibliya sa wikang Arabic sa Austria at Germany. Sa kampanyang ito, ang 1,782 boluntaryo ay nakapag-ulat ng 40,724 na oras sa pagtuturo, nakapagpanood ng video nang 4,483 beses, at nakapamahagi ng 24,769 na publikasyong base sa Bibliya.

Sa nakalipas na mga taon, mahigit isang milyong refugee ang lumipat sa Austria at Germany, at karamihan sa kanila ay galing sa mga bansang nagsasalita ng Arabic. Hindi pa narinig ng marami sa mga refugee ang nakakapagpatibay na mensahe ng Bibliya. Sinuportahan ng mga kapatid na mula sa Canada, United States, at ibang mga bansa sa Europe ang 1,108 mamamahayag sa Austria at Germany na nangangaral sa mga nagsasalita ng Arabic. Sama-sama silang pumunta sa 24 na lugar, kasama na ang mga siyudad na gaya ng Berlin, Cologne, Dresden, Frankfurt, Graz, Hamburg, at Vienna.

Sinabi ng isang brother: “Hindi namin inaasahan na sobra kaming mapapatibay sa kampanya. Napalakas kami ng mga kapatid na sumuporta, at talagang nagpapasalamat kami sa tulong nila. Nagpapasalamat din kami dahil nagkapribilehiyo kaming makabahagi sa espesyal na kampanyang ito.”

Pagkatapos dumalo sa pulong ng mga Saksi ni Jehova, nilapitan ng lalaking Arabic ang isang brother at tinanong: “Alam mo ba ang ibig sabihin ng mahabba sa German?”

Sumagot ang brother, “Liebe (pag-ibig)!”

“Tama,” ang sabi ng lalaki, “iyan ang nakita ko ngayon sa pulong! Napakabait n’yo sa akin. Lahat, bumabati at kumakamay sa akin. May respeto sila sa isa’t isa kahit galing sila sa iba’t ibang bansa. Kung ganito ang lahat ng tao, siguradong bubuti ang mundo!”

Sinabi ng isa pang lalaki tungkol sa mga Saksi ni Jehova: “Mabait kayong makitungo sa mga tao, at kayo ang isa sa pinakamahusay na grupo sa mundo.”

Isang mag-asawang Arabic na mga isang taon nang nakatira sa Germany ang nag-imbita sa mga kapatid para magtsaa. Pagkatapos ipaliwanag ng mga kapatid kung bakit sila bumisita, itinanong ng asawang babae, “Mga Saksi ni Jehova ba kayo?” Nang sabihin nilang oo, sinabi niya: “Talaga? Ilang buwan ko na kayong hinihintay. Nagpunta pa nga ’ko sa istasyon ng tren para hanapin kayo. At heto kayo, pinuntahan n’yo ’ko! ’Pinadala kayo ng Diyos.”

Talagang pinagpala ni Jehova ang masisipag nating kapatid na nakibahagi sa espesyal na kampanya para maipangaral ang pag-asang nasa Bibliya “sa mga tao ng lahat ng bansa.”—Mateo 28:19.