AGOSTO 9, 2021
BALITA SA BUONG DAIGDIG
European Court of Human Rights—Nagdesisyon Pabor kay Brother Rostom Aslanian
Tagumpay Para sa Kalayaang Sumamba sa Transnistria
Noong Hulyo 13, 2021, nagdesisyon ang European Court of Human Rights (ECHR) pabor kay Brother Rostom Aslanian sa isang kaso na sangkot ang mga bansang Moldova at Russia. Sinabi ni Brother Aslanian na hindi siya dapat ipinakulong ng mga opisyal ng Transnistria (Pridnestrovskaia Moldavskaia Republic) dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng konsensiya. Ang tagumpay na ito ay isang parisan para sa karapatan na malayang sumamba sa Transnistria.
Ang Transnistria ay kinikilala sa buong mundo na bahagi ng Moldova, pero may kasunduan din sila ng bansang Russia na pangangasiwaan nito ang seguridad ng rehiyon. Dapat igalang ng dalawang bansa, na parehong miyembro ng European Convention on Human Rights, ang kalayaan ng konsensiya.
Noong 2010, ipinatawag si Brother Aslanian para maglingkod sa militar pero humiling siya ng alternatibong paglilingkod dahil sa kaniyang mga paniniwalang salig sa Bibliya. Noong Marso 29, 2011, hindi tinanggap ang kahilingan niya, at nahatulan siyang makulong nang isang taon. Kinumpleto ni Brother Aslanian ang sentensiya sa kaniya, pero ang kaso niya ay ipinadala sa European Court of Human Rights.
Sa hatol nito, iniugnay ng ECHR ang dating desisyon ng korte para tiyakin na walang legal na saligan na hatulan si Brother Aslanian dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng konsensiya. Nalaman ng Korte na kontrolado ng Russia ang militar, ekonomiya, at politika ng Transnistria. Kaya ang Russia, at hindi ang Moldova, ang may pananagutan sa mga nangyari. Nagpasiya ang ECHR na nilabag ng mga awtoridad ang kalayaang sumamba ni Brother Aslanian nang hatulan siyang makulong nang isang taon dahil sa pagtangging magsundalo at sinabi nito na dapat siyang bayaran ng gobyerno ng Russia para sa isang taon niyang pagkabilanggo.
Natutuwa kami sa legal na proteksiyon ng hatol na ito sa ating mga kapatid sa Transnistria. Muli nitong tinitiyak sa atin ang tapat na pag-ibig ni Jehova at ang magiliw na pangangalaga niya para sa kaniyang bayan kapag pinag-uusig sila.—Awit 18:25.