MARSO 8, 2021
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Ginagamit ng mga Magulang ang mga Artikulo sa JW Balita Para Tulungan ang mga Anak Nila na Lakas-Loob na Harapin ang mga Pagsubok
Ginagamit ng maraming magulang na Saksi ang mga artikulo sa JW Balita para patibayin ang pananampalataya ng kanilang mga anak.
Binabasa at tinatalakay ni Sister Fumiko Takehara, isang nanay sa Japan, ang mga artikulo sa JW Balita sa kaniyang 12-taóng-gulang na anak na lalaki, si Naoki. Nagpi-print sila ng mga litrato ng mga kapatid na itinatampok sa mga artikulo at isinasabit ito sa dingding. “Isa-isa namin silang binabanggit sa aming mga panalangin,” sabi ni Fumiko. “Napapatibay kaming malaman na binibigyan ni Jehova ng kagalakan ang mga lingkod niya, kahit nakabilanggo sila. Kitang-kita ang kagalakan sa mukha ng ating mga kapatid. Ang kanilang magagandang halimbawa ay nakatulong sa aking anak na maging tapat kay Jehova sa paaralan.”
“Araw-araw kong binabasa ang mga artikulo sa JW Balita sa jw.org,” sabi ni Brother Kilanko Zannou, isang ama na may dalawang anak na taga-Côte d’Ivoire. Madalas gamitin ni Kilanko ang mga artikulo sa kanilang family worship. Nalaman niya na maraming natututuhan ang pamilya niya, pati ang kaniyang pitong-taóng-gulang na anak na si Matthias, mula sa mga kapatid natin na lakas-loob na nagtiis ng pag-uusig.
Dati, takót mangaral si Matthias sa mga kaeskuwela niya. Sabi ni Kilanko: “Pagkatapos ng aming family worship, masayang-masayang sinabi ni Matthias: ‘Hindi na po ako takót mangaral!’”
Binasa ni Brother Holmes Simatupang, isang ama sa Indonesia, sa kaniyang mga anak ang dalawang artikulo tungkol sa mga kabataang Saksi sa Indonesia na napatalsik sa paaralan dahil sa pagtangging sumaludo sa bandila.
Sinabi ni Brother Simatupang: “Ganiyan din ang naging problema ng aming dalawang anak sa kanilang paaralan. Palagi silang ginigipit ng kanilang mga guro at kaklase na sumaludo sa bandila, umawit ng pambansang awit, at sumama sa relihiyosong mga gawain. Kaya kung minsan, natatakot pumasok ang aming mga anak.
“Pagkatapos naming matalakay ang dalawang artikulo sa aming family worship,” sabi pa ni Holmes, “lakas-loob na nila ngayong naipapaliwanag kung bakit tumatanggi silang sumaludo sa bandila. Hindi na sila takót na mapatalsik sa paaralan.”
Sinabi ni Sister Lady Nery Passos na taga-Brazil: “Nang ang aming anak na si Pedro ay mga lima o anim na taóng gulang, kailangan niyang ipaliwanag kung bakit hindi siya sumasali sa pagdiriwang ng mga birthday sa paaralan.” Para matulungan ang kanilang anak, naalala niya ang maraming kapatid na binanggit sa mga artikulo sa JW Balita na inihanda ang kanilang sarili para sa mga pagsubok. Sabi niya: “Pinraktis namin sa family worship ang mga sitwasyon na puwedeng mapaharap sa amin. Nakatulong ’yon sa kaniya kung ano ang gagawin kapag may mga birthday party sa school.” Naihanda nito si Pedro na ipagtanggol ang kaniyang mga paniniwala.
Ipinaaalaala sa atin ng mga artikulo sa JW Balita kung paano lubos na pinapatibay at pinapangalagaan ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod. Marami tayong ebidensiya na kapag may mga problema tayo, ‘napupuspos tayo ng banal na espiritu’ para magtiis.—Gawa 13:50-52.