Pumunta sa nilalaman

Isang brother ang nagda-download ng mga video file ng pulong habang nakasakay sa canoe sa Lake Malawi

DISYEMBRE 29, 2020
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Gumagawa ng Paraan ang mga Kapatid sa Malalayong Lugar Para Makapagpulong

Gumagawa ng Paraan ang mga Kapatid sa Malalayong Lugar Para Makapagpulong

Maraming kongregasyon sa buong mundo ang gumagamit ng computer at Internet para makapagpulong ngayong pandemic. Pero may mga kapatid tayo na nakatira sa malalayong lugar kung saan mahirap maka-connect sa Internet. Kaya gumagawa sila ng paraan para makapagpulong pa rin habang sinusunod ang mga safety protocol para sa COVID-19. Tingnan ang ilang halimbawa sa Africa.

Malawi

Maraming kapatid ang walang Internet kaya hindi sila nakakapag-Zoom. Linggo-linggo, nagpapadala ang sangay sa Malawi ng mga video file ng pulong sa mga elder sa bawat kongregasyon gamit ang network ng cellphone. Pagkatapos, ipinapasa naman ng mga elder ang mga file sa mga kapatid sa kongregasyon.

Pero may problema pa rin ang 28 kapatid ng Tcharo Congregation na nakatira sa mabundok na lugar sa northern Malawi, malapit sa Lake Malawi. Dahil nahaharangan ng mga bundok ang signal ng cellphone sa lugar nila, kailangan pang magbiyahe ng isang elder nang maraming kilometro kung saan malakas ang signal. Pagkatapos, babalik ang elder sa lugar nila at maglalakad sa mga bundok para makapunta sa bahay ng bawat kapatid at maipasa ang mga file gamit ang Bluetooth.

Nito lang, tuwang-tuwa ang mga elder nang malaman nila na may mas malapit pala silang makukuhanan ng signal—sa Lake Malawi, malayo sa mga bundok. Sumasakay ang mga brother sa canoe para makarating sa gitna ng lake at makapag-download ng mga video file. Maraming natitipid na oras ang mga elder kasi hindi na nila kailangang magbiyahe nang malayo.

Mozambique

Kapag “dumadalaw” ang mga tagapangasiwa ng sirkito sa mga kongregasyon sa malalayong lugar ng northwestern Mozambique, gumagamit sila ng cellphone sa pahayag. Pero madalas na hindi puwede ang conference call. Kaya nagpapahayag sila sa harap ng maraming cellphone at ang bawat cellphone ay nakakonekta sa iba’t ibang pamilya sa kongregasyon.

Nagpapahayag si Brother Alique Cazawe, isang tagapangasiwa ng sirkito. Ang bawat cellphone ay nakakonekta sa iba’t ibang pamilya sa kongregasyon

Sa sobrang layo ng bahay ng ilang kapatid, hindi maabot ng signal ang lugar nila. Kaya kapag pulong na, kailangan pa nilang maglakad sa gubat para makahanap ng signal. Kapag nakahanap na sila, umuupo na sila at doon na nakikinig sa pulong.

Sinabi ni Brother Yohane Vinho, isang tagapangasiwa ng sirkito sa lugar na iyon, na “talagang gumagawa ng paraan ang mga kapatid para makapagpulong.” Kaya hindi sila nanghihina sa espirituwal kahit nasa malayo sila. Sinabi ng isa pang tagapangasiwa ng sirkito na si Brother Carlos Cortazão: “Pakiramdam namin, kasama pa rin namin ang mga kapatid sa Kingdom Hall. Naririnig namin ang mga komento nila at sabay-sabay kaming kumakanta. Kitang-kita namin ang kamay ni Jehova kasi nakakatanggap pa rin kami ng espirituwal na pagkain kahit ngayong pandemic.”—Juan 21:17.