NOBYEMBRE 6, 2023
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Ibinahagi ang Mabuting Balita sa mga Dumalo sa 2023 FIFA Women’s World Cup Soccer Tournament
Mula Hulyo 20 hangang Agosto 20, 2023, mahigit dalawang milyong tao ang dumalo sa FIFA Women’s World Cup soccer tournament, na ginanap sa iba’t ibang lunsod ng Australia at New Zealand. Noong panahon ng tournament, mga 1,200 kapatid ang nakibahagi sa special preaching campaign sa 9 na lunsod ng dalawang bansang ito. Di-bababa sa 18 ang humiling ng Bible study.
Sa Sydney, Australia, lumapit sa cart ang dalawang kabataang babae mula sa India nang mapansin nila ang sign na nag-aalok ng libreng Bible study. Tinanong nila ang mga sister kung saan sila puwedeng pumunta para sa mga Bible study na ito. Sinabi naman ng mga sister na may isang kapatid na magtuturo sa bawat taong hihiling ng Bible study. Sinabi rin nila na puwedeng mag-request ang dalawang babae na may dumalaw sa kanila sa pamamagitan ng pag-scan ng QR code sa brosyur na Masayang Buhay Magpakailanman. Agad na nag-fill out ang dalawang babae ng online form, at napasimulan ang Bible study sa bawat isa sa kanila.
Sa Brisbane, Australia, tinulungan ng isang mag-asawang Saksi ang isang kabataang babae na parang naliligaw. Sinabi ng babae na hindi niya mahanap ang hotel na tutuluyan niya. Tinulungan siya ng mag-asawang Saksi na hanapin ito. Sinabi niya sa mag-asawa na galing siya sa Papua New Guinea. Nagulat siya nang malaman niya na dati ring tumira sa Papua New Guinea ang mag-asawa. Masaya silang nagkuwentuhan at nagpalitan ng contact information. Ipinasyal din siya ng mag-asawa sa lunsod, at ginamit nila ang pagkakataong iyon para ibahagi sa kaniya ang ilang katotohanan sa Bibliya. Pag-uwi ng babae sa bansa niya, tinanggap niya ang alok na Bible study.
Sa Auckland, New Zealand, kinausap ng sister na si Terina ang dalawang security guard na nagsasalita ng Punjabi sa isang public parking lot. Sumingit sa usapan ang isa pang guard at kinausap ang dalawang guard. Naisip ng sister na baka pinapagalitan nito ang dalawang guard dahil nakikipag-usap sila sa kaniya habang naka-duty sila. Nagulat siya nang malaman niyang ipinapaliwanag pala nito sa mga guard ang sinasabi niya. Sinabi nito: “Tinanong nila kung ano ang Bibliya, at sinabi ko na aklat ito mula sa Diyos. Tama ba ang sinabi ko?” Pagkatapos sabihin na tama ang sinabi ng guard, ipinakita ni Terina sa bawat isa sa kanila kung paano sila makakahiling ng Bible study sa sarili nilang wika gamit ang jw.org.
Kinausap ni Nicholas mula sa Colombia ang mga Saksi sa isang literature cart sa Brisbane, Australia. Nagtanong siya tungkol sa mga pulong natin. Sinabi niya na mga Saksi ni Jehova ang nanay at lola niya at na pinapasigla nila siyang dumalo sa mga pulong. Nagsaayos ang mga brother sa cart na makontak siya ng isang Saksi sa isang Spanish na kongregasyon. Wala pang isang oras, nakontak na si Nicholas ng isang brother na nagsasalita ng Spanish at inanyayahan siyang dumalo sa “Maging Matiisin”! na Panrehiyong Kombensiyon sa mismong weekend na iyon.
Nagpapasalamat tayo na nagkaroon ng pagkakataon ang mga kapatid natin sa Australia at New Zealand na ‘sumikat bilang liwanag’ nang ibahagi nila ang mabuting balita ng Kaharian sa event na ito.—Filipos 2:15.