MAYO 16, 2024
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Ibinahagi ng mga Saksi sa North America ang Mensahe ng Bibliya Noong Panahon ng Solar Eclipse
Noong Abril 8, 2024, nagkaroon ng total solar eclipse sa ilang bahagi ng North America. Pinanood ito ng milyon-milyong tao, at marami ang nagbiyahe pa mula sa malalayong lugar. Isang espesyal na pangangaral ang isinaayos ng mga Saksi ni Jehova sa mahigit 24 na lunsod kung saan makikita ang eclipse. Nakibahagi ang mga Saksi ni Jehova mula sa Canada, Mexico, at United States sa pangangaral na ito gamit ang mga literature display cart na may mga publikasyon sa Bibliya sa mga 15 wika.
Sa Carbondale, Illinois, U.S.A., lumapit sa cart natin ang dalawang lalaking college student. Kinausap sila ng isa sa ating mga sister, ginamit niya ang tanong na nasa cart, “Saan Nagmula ang Buhay?” Habang nag-uusap sila, tinanong ng isa sa kanila: “Kung may Diyos at mahal niya tayo, bakit niya pinapayagan ang pagdurusa?” Ipinakita ng sister kung paano gagamitin ang jw.org para mahanap ang sagot. Talagang humanga ang dalawang estudyante sa video na sumasagot sa tanong. Sinabi nila na gusto nilang matuto pa at na sasabihin din nila sa mga kaibigan nila ang mga nalaman nila.
Natuwa ang isang kabataang lalaki sa Sherbrooke, Quebec, Canada, na nagsasalita ng Punjabi, nang batiin siya ng isang sister sa wika niya. Dahil dito, nakausap ang lalaki at naipakita ng isang sister kung paano ginagawa ang pag-aaral sa Bibliya gamit ang brosyur na Masayang Buhay Magpakailanman. Nagulat ang lalaki na puwede siyang makapag-aral ng Bibliya sa oras at lugar na kumbinyente sa kaniya, o kahit pa nga sa pamamagitan ng videoconference. Nagsaayos ang sister na isa sa ating mga brother ang mag-Bible study sa kaniya.
Kinausap ng isang sister sa isang cart sa Evansville, Indiana, U.S.A., ang isang babae na nagsabing bagong lipat lang siya sa lugar na iyon para alagaan ang nanay niyang maysakit. Sinabi ng sister na inalagaan din niya ang nanay niya at nauunawaan niya ang mga hamon sa pag-aalaga sa mga maysakit. Pagkatapos, binasa ng sister ang Isaias 33:24 at Apocalipsis 21:4. Talagang napatibay ang babae sa mga pangakong iyon ng Bibliya, at sinabi pa nga niya sa sister na basahin ulit ang mga teksto. Naging maganda ang pag-uusap nila, at nagsaayos sila na maipagpatuloy ang kanilang pag-uusap tungkol sa Bibliya.
Masayang-masaya tayo na ginamit ng ating mga kapatid sa North America ang espesyal na pangyayaring ito para ituro sa iba ang tungkol sa ating “Dakilang Maylalang” at ang kaniyang magagandang pangako.—Eclesiastes 12:1, 2.