OKTUBRE 1, 2019
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Ika-100 Taon ng Magasing Gumising!
Oktubre 1, 2019 ang ika-100 anibersaryo ng magasing Gumising! Taon-taon, mahigit 280 milyong kopya ng magasing ito ang inililimbag sa 211 wika. Pangalawa ito sa magasing Bantayan na may pinakamaraming salin at kopyang naipamahagi sa buong mundo.
Sinabi ni Brother Samuel Herd, miyembro ng Lupong Tagapamahala: “Natulungan ng magasing Gumising! ang maraming tao na maging interesado sa Bibliya dahil tinatalakay nito ang iba’t ibang paksa. Kahit nagbago na ang hitsura at format ng magasin sa paglipas ng mga taon, epektibo pa rin ito sa pangangaral natin. Talagang kahanga-hanga na 100 taon na ito ngayon, at patunay ito na tinutulungan tayo ng Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu.”
Unang inianunsiyo ng mga Saksi ni Jehova ang paglalabas ng magasing ito noong Setyembre 1919 sa isang makasaysayang kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, U.S.A., at tinawag itong The Golden Age. Noong 1937, ginawang Consolation ang pangalan ng magasing ito para idiin na kailangan ng mga tao ng pampatibay. At noong 1946, tinawag na itong Gumising! para idiin na dapat maunawaan ng mga mambabasa ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga pangyayari ngayon sa mundo.
Masaya tayong maabot ang mahalagang pangyayaring ito habang patuloy nating ginagamit ang Gumising! sa pagtuturo ng Bibliya at ‘lubusan tayong nagpapatotoo tungkol sa mabuting balita.’—Gawa 20:24.