AGOSTO 2, 2021
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Ika-75 Anibersaryo ng Unang Malaking Internasyonal na Kombensiyon
Ang Makasaysayang “Glad Nations” na Kombensiyon ay Naging Huwaran Para sa Sumunod na mga Kombensiyon
Agosto 4, 2021, ang ika-75 taon mula nang idaos ang “Glad Nations” na Kombensiyon, ang unang malaking internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Ginanap ito noong Agosto 4-11, 1946, sa Cleveland, Ohio, U.S.A., sa Municipal Stadium at sa katabi nitong Municipal Auditorium.
Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, inorganisa ng mga kapatid ang kombensiyon. Ibang-iba ito sa naranasang digmaan na nagpahirap sa mga tao sa buong mundo. Sa kombensiyong iyon, libo-libong kapatid mula sa buong mundo ang mapayapang nagtipon-tipon. Iba-iba sila ng lahi at katayuan sa buhay pero masaya silang nagsama-sama samantalang noong panahong iyon, ang mga itim ay inihihiwalay sa mga puti sa maraming lugar sa United States.
Ang “Glad Nations” na kombensiyon ang kauna-unahang pagtitipon na dinaluhan ng 80,000 Saksi sa isang lokasyon. Pagkatapos magkahiwalay dahil sa digmaan, tuwang-tuwa ang mga kapatid na magsama-sama. Nasa 302 delegado mula sa 32 bansa ang dumalo. “Ang Prinsipe ng Kapayapaan” ang paksa ng pahayag ni Brother Nathan H. Knorr noong huling Linggo ng kombensiyon.
Naging matagumpay ang kombensiyon, pero nagkaroon din ng mga problema. Noong unang araw ng kombensiyon, nagkaroon ng malaking problema ang mga brother na nag-oorganisa nito. Napuno ng tao ang Municipal Auditorium at marami pa ang dumarating. Kinailangang gamitin ng mga brother ang katabing istadyum para may maupuan ang mga tao sa panggabing sesyon na magsisimula nang 7:45 p.m. Pero may nakaiskedyul na dalawang laro ng baseball sa istadyum hanggang 6:30 p.m.
Noong ikalawang laro ng baseball, bumuhos ang malakas na ulan na may kasamang kulog kaya maagang nag-uwian ang mga tao. Pagkatapos, gumanda na ang panahon kaya nakapunta sa istadyum ang 50,000 Saksi para sa panggabing sesyon.
Sa “Glad Nations” na kombensiyon, ini-release ang isang bagong magasin, ang Awake!, pati ang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na “Hayaang Maging Tapat ang Diyos.” Ipinatalastas din ni Brother Knorr ang planong pagpapalawak ng printery sa Brooklyn, New York, U.S.A., at ng mga tanggapang pansangay sa anim na bansa.
Tampok na pangyayari ang bautismo ng 2,602 katao—903 brother at 1,699 na sister—sa kalapit na Lake Erie. May iba pang natatanging pangyayari gaya ng mga pagtatanghal ng Pag-aaral sa Bantayan at ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, at ng orkestra na binubuo ng 160 musician.
Naging huwaran ang kombensiyong ito para sa sumunod na mga kombensiyon. Halimbawa, nagkaroon ng ilang departamento sa kombensiyon, gaya ng Attendants, Chairman’s Office, First Aid, Installation, at Lost and Found.
Si Brother Ron Little, isang elder ngayon sa McKeesport Congregation sa Pennsylvania, U.S.A., ay 11 anyos lang nang dumalo siya sa kombensiyon kasama ng kaniyang tatay at kapatid na lalaki. Natulog silang tatlo sa trak ng tatay nila sa loob ng walong araw ng kombensiyon.
Tandang-tanda pa ni Brother Little nang i-release ang magasing Awake! “Nang ilabas ang Awake!, nagtatatakbo kami nang nakataas ang mga kamay, hawak-hawak ang magasin,” ang sabi niya. “Kapag nakitang wala ka pang hawak, bibigyan ka ng kopya.”
Natatandaan din ni Brother Little, ngayon ay 86 na, na masayang-masaya siyang makita ang napakaraming Saksi na magkakasama. “Naiisip ko noon na sana huwag nang matapos ang asamblea,” ang sabi niya. “Ang saya talaga.”
Lubos tayong nagpapasalamat kay Jehova dahil pinagpapala niya ang ating “mga banal na kombensiyon.”—Levitico 23:2.
Ang programa ng kombensiyon para sa “Glad Nations” na Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Cleveland, Ohio, U.S.A., mula Agosto 4 hanggang 11, 1946
Dalawang sound car na may mga loudspeaker sa bubong nito at karatulang nagsasabing: “Basahin ang Watchtower at Consolation.” Iniaanunsiyo ng poster sa pinto ng kotse ang pahayag pangmadla na “Ang Prinsipe ng Kapayapaan”
Dalawang batang babae kasama ng kanilang nanay na nakatayo sa harap ng sound car. Ipinapakita ng mga batang babae ang unang isyu ng magasing Awake! na inilabas sa “Glad Nations” na Kombensiyon noong 1946. Ipinapakita ng nanay ang isyu ng The Messenger, isang pahayagang gawa ng Watch Tower Bible and Tract Society
Isang brother kasama ng kaniyang dalawang anak. Ang sasakyan nila ay may mga karatula na nag-aanunsiyo ng pahayag pangmadla na “Ang Prinsipe ng Kapayapaan”
Sa Field Service Counter sa “Glad Nations” na Kombensiyon noong 1946, kinakabitan ang mga delegado ng mga placard na nag-aanunsiyo ng pahayag pangmadla na “Ang Prinsipe ng Kapayapaan”
Ang mga brother sa Food Service Department
Ang mga dumalo sa “Glad Nations” na Kombensiyon noong 1946 habang kumakain sa cafeteria
Ang mga dumalo sa kombensiyon hawak ang kanilang mga kopya ng bagong aklat na “Hayaang Maging Tapat ang Diyos”
Mga kapatid sa labas ng pinagdausan ng kombensiyon; karamihan sa kanila ay nabilanggo dahil sa kanilang pananampalataya. Kabilang sa kanila si Brother Daniel Sydlik (harap na hanay, dulong kanan), na nang maglaon ay naglingkod bilang isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova
Mga kandidato sa bautismo na nakaupo sa harap na mga hanay
Larawan ng bautismo sa Lake Erie