DISYEMBRE 4, 2020
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Ikinuwento ng 80-Anyos na Brother na si Aleksandr Ursu Kung Paano Siya Nakapagtiis
“Iningatan kami ni Jehova noon, kaya alam kong palagi niyang gagawin iyon.”
Gabi noon ng Nobyembre 15, 2018. Lumabas ng kanilang bahay sa Dzhankoy, Crimea, si Brother Aleksandr Ursu, na 78 noon, para salubungin ang anak niyang si Viktor. Nagulat si Aleksandr nang makakita siya ng liwanag sa may gate nila. Dahan-dahan niya itong nilapitan. Mayamaya, may sumigaw sa kaniya: “Huwag kang kikilos! Mga pulis ’to!”
Akala ni Aleksandr, mga brother lang iyon na nagbibiro, pero hindi pala. Biglang hinila ng isang lalaking naka-mask ang mga braso niya at puwersahang inilagay ang mga ito sa likod niya. Sinuntok naman siya sa mukha ng isa pang lalaking naka-mask. Kinapkapan ng anim na agent ng Federal Security Service (FSB) na may dalang mga machine gun sina Aleksandr at Viktor bago nila pinasok ang bahay.
Nasa kusina ang asawa ni Aleksandr na si Nina nang pasukin ng mga agent ang bahay. Hinablot ng isang agent ang cellphone niya at tinanong kung anong pinapanood niya. Ilang oras na hinalughog ng mga agent ang bahay pero wala silang nakitang literatura na nasa listahan ng mga babasahíng ipinagbabawal ng Russia.
Hindi inaresto ang kapatid nating si Aleksandr. Pero alam niya at ng lahat ng Saksi sa Russia at Crimea na anumang oras, puwedeng i-raid ng mga pulis ang bahay nila at arestuhin sila. Para huwag panghinaan ng loob, laging inaalala ni Aleksandr ang ipinakitang katapatan ng pamilya niya, pati na ang tiniis niyang pag-uusig noong namamahala pa ang Unyong Sobyet.
Noong gabi ng Hulyo 6, 1949, nang si Aleksandr ay siyam na taon pa lang, pinasok ng mga sundalong Sobyet ang bahay nila at hinalughog ito. Pinagtatapon ng mga sundalo ang mga gamit nila sa sahig at sinabihan silang mag-impake. Ikinuwento ni Aleksandr: “No’ng hindi nakatingin ang mga sundalo, isiniksik ng nanay ko sa mga gamit namin ang ilang literatura sa Bibliya, kasama na ang aklat na The Harp of God.” Dinala ng mga sundalo ang buong pamilya sa istasyon ng tren.
Hindi natakot ang pamilya ni Aleksandr, pati na ang iba pang mga Saksi. Kumanta pa nga sila ng mga Kingdom song habang papunta ang sinasakyan nilang tren sa Siberia. Kasama sila sa libo-libong kapatid na ipina-deport sa Siberia noong 1949 hanggang 1951.
Noong 1950’s sa Siberia, palihim na nagpupulong ang mga kapatid sa mga farm. May mga pamilya na naglalakad nang hanggang 20 kilometro para makadalo sa mga pulong.
Malaki ang naitulong kay Aleksandr ng mga kapamilya niya na nanatiling tapat—ang tatay ng lolo niya, si Makar; ang lolo niya, si Maksim; ang kapatid ng lolo niya, si Vladimir; at ang tatay niya, si Pyotr. Kahanga-hanga ang katapatan nila.
Nasentensiyahang mabilanggo nang 10 taon ang tatay ni Aleksandr dahil tumanggi itong magsundalo noong 1944. Pagkaraan ng tatlong taon, pinauwi siya dahil nagkaroon ng fracture ang gulugod niya at na-paralyze siya. Naaalala ni Aleksandr na kinukuwentuhan siya ng tatay niya ng mga kuwento sa Bibliya tungkol kina David, Goliat, at Jonatan, na kaibigan ni David.
Ikinuwento ni Aleksandr tungkol kay Vladimir, na kapatid ng lolo niya: “Lagi siyang nakikinig sa WBBR at tumatanggap ng mga literatura. Bawal ang may radyo noon, kaya gumawa siya ng maliit na kuwarto sa ilalim ng bahay para doon siya makinig at ang ibang interesado sa mga broadcast ng WBBR.”
Minsan noong 1940’s, ibinunyag ng isang “interesado” kung nasaan ang kuwartong iyon. Kaya ang lolo ni Aleksandr at ang kapatid nito ay inaresto at nabilanggo sa Khotyn, sa kanlurang Ukraine, na mga 80 kilometro ang layo mula sa nayon nila.
“Naglalakad lang si Lola kapag dinadalaw niya sila sa bilangguan. Ikinukuwento niya sa amin na masaya sila dahil nananatili silang tapat, pero alam ni Lola na binubugbog sila.” Nakakalungkot, namatay ang lolo ni Aleksandr at ang kapatid nito sa bilangguan.
“Hanggang ngayon, hindi pa rin namin alam kung ano talaga ang nangyari sa kanila, kung paano sila tinrato, kung paano sila namatay, at kung saan sila inilibing,” ang sabi ni Aleksandr. “Pero isang bagay ang alam namin—nanatili silang tapat kay Jehova hanggang kamatayan. Talagang napatibay kami.”
Ang katapatan ng pamilya ni Aleksandr at ang mismong karanasan niya sa Siberia ang tumulong sa kaniya na makayanan ang nararanasan niya ngayong pag-uusig. Ikinuwento niya: “Nasanay na ako sa pangre-raid ng mga awtoridad kasi kinalakihan ko na iyon. Iningatan kami ni Jehova noon, kaya alam kong palagi niyang gagawin iyon.”
“Nakatulong din sa akin ang pag-aaral ng Bibliya at pagbubulay-bulay araw-araw, regular na pagdalo sa pulong, at laging pakikipag-usap sa mga kapatid,” ang kuwento pa ni Aleksandr.
Lagi din niyang binabasa ang tungkol sa mga pagsubok na nararanasan ng iba pang kapatid at napatibay siya ng kanilang lakas ng loob. “Nabasa ko ang huling komento ng ilang kapatid sa korte,” ang sabi niya. “Sa kanilang matapang na pagharap sa korte, tinutupad nila ang inihula ni Jesus: ‘Dadalhin kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, at makapagpapatotoo kayo sa kanila at sa mga bansa.’”—Mateo 10:18.
Nakapagtiis ang mga kapatid natin at nagsaya pa nga kahit inuusig dahil sa mapagmahal na suporta ng ating Diyos na Jehova. Pinapatunayan nila ang mga sinabi ni David: “Ang lahat ng nanganganlong [kay Jehova] ay magsasaya; lagi silang hihiyaw nang may kagalakan.”—Awit 5:11.