HULYO 11, 2023
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Ini-release ang Aklat ng Mateo sa mga Wikang Kurdish Kurmanji at Kurdish Kurmanji (Caucasus)
Noong Hulyo 2, 2023, ini-release ang aklat na Ang Bibliya—Mabuting Balita Ayon kay Mateo sa dalawang wikang Kurdish. Sa Germany ini-release ang aklat sa Kurdish Kurmanji. Sa Georgia naman ini-release ang aklat sa Kurdish Kurmanji (Caucasus). Mga 750 ang dumalo sa dalawang programang ito.
Kurdish Kurmanji
Ini-release ni Brother Dirk Ciupek, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Central Europe, ang aklat ng Mateo sa Kurdish Kurmanji sa isang programa na ginanap sa tanggapang pansangay ng Central Europe sa Selters, Germany. Tumanggap ng inimprentang kopya ang mga dumalo. Mada-download din ang aklat na ito sa electronic format.
Kurdish Kurmanji (Caucasus)
Ini-release ni Brother Levani Kopaliani, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Georgia, ang aklat ng Mateo sa Kurdish Kurmanji (Caucasus) sa isang programa sa Tbilisi, Georgia. Napanood ng mga kapatid mula sa Aparan, Armavir, at Yerevan, Armenia, ang programa sa pamamagitan ng videoconference. Tumanggap ng inimprentang kopya ang mga dumalo. Available na rin ito sa digital format.
Magkahawig na mga wika ang Kurdish Kurmanji at Kurdish Kurmanji (Caucasus) pero may ilang pagkakaiba sa grammar at pagbuo ng mga pangungusap. At kahit pareho ang ispeling ng ilang salita sa dalawang wikang ito, puwede itong magkaroon ng magkaibang kahulugan. Kaya nagtulungan ang dalawang translation team sa pagsasalin ng aklat ng Mateo sa kani-kanilang wika. Talagang makikinabang ang mga tatanggap ng aklat na ito ng Bibliya. Ganito ang sinabi ng isang tagapagsalin: “Para sa maraming Kurd na nauuhaw sa katotohanan, magiging gaya ng nakarerepreskong malinis na tubig ang bagong saling ito.”
Nagpapasalamat tayo at pumupuri kay Jehova, kasama ng ating mga kapatid na nagsasalita ng Kurdish Kurmanji at Kurdish Kurmanji (Caucasus), dahil mas marami pa ang makakakilala sa kaniya at makakaunawa na kailangan nila siya!—Mateo 5:3.