AGOSTO 23, 2023
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Ini-release ang Apat na Ebanghelyo sa Wikang Aukan
Noong Agosto 13, 2023, ini-release ni Brother Roy Zeeman, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Suriname, ang mga aklat ng Bibliya na Mateo, Marcos, Lucas, at Juan sa wikang Aukan. Dinaluhan ng 2,713 katao ang espesyal na meeting na ito na ginanap sa Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova sa lunsod ng Paramaribo, Suriname. At 691 naman ang nakapanood ng programa sa pamamagitan ng live streaming sa Kingdom Hall sa Cayenne, French Guiana, at sa iba pang lokasyon. Naging available agad ang elektronikong kopya ng apat na Ebanghelyo. Mayroon ding inimprentang mga kopya ng Ang Bibliya—Mabuting Balita Ayon kay Mateo. Ang natitirang tatlong Ebanghelyo ay makukuha kapag nai-release na ang buong Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Aukan.
Ang Aukan ay isang wikang creole na sinasalita ng mga taong nakatira sa Suriname at sa katabi nitong French Guiana. Kaunti lang ang babasahín sa wikang Aukan. Ginagamit ng mga mamamahayag sa mga kongregasyong nagsasalita ng Aukan ang Bagong Sanlibutang Salin sa wikang Sranantongo sa kanilang mga pulong at ministeryo. Kahit na karamihan ng mga tao sa Suriname ay nagsasalita ng Sranantongo, maraming nagsasalita ng Aukan ang hindi matatas dito. Kaya habang nasa ministeryo, kadalasan nang isinasalin ng mga mamamahayag sa wikang Aukan ang mga teksto sa Bibliya. Sinabi ng isang tagapagsalin: “Excited na kaming magkaroon nitong bagong release, na makakatulong sa mga taong nagsasalita ng Aukan, anuman ang edad o pinag-aralan nila, na maintindihang mabuti ang Salita ng Diyos.”
Nagtitiwala tayo, kasama ng mga kapatid nating nagsasalita ng Aukan, na ang bagong release na Bibliya ay tutulong sa marami pang taimtim na mga tao na lumuwalhati kay Jehova.—Awit 34:1.