HULYO 17, 2024
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Ini-release ang Bibliya sa Anim na Wika Noong Hunyo 2024
Guadeloupean Creole
Noong Hunyo 9, 2024, ini-release ni Brother Jeffrey Winder, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang mga aklat ng Bibliya na Mateo at Marcos sa Guadeloupean Creole noong huling pahayag sa 2024 ‘Ihayag ang Mabuting Balita!’ Espesyal na Kombensiyon sa Baie-Mahault, Guadeloupe. Sa kabuoan, 8,602 ang dumalo sa kombensiyon. Napanood naman ng 5,588 ang programa sa pamamagitan ng videoconference. Tumanggap ng inimprentang kopya ng aklat na Ang Bibliya—Mabuting Balita Ayon kay Mateo ang mga dumalo. Mada-download din ang dalawang aklat ng Bibliya sa jw.org at sa JW Library app.
Mahigit 300,000 sa Guadeloupe at 200,000 naman sa France ang nagsasalita ng Guadeloupean Creole. Mga 3,300 kapatid na nagsasalita ng Guadeloupean Creole ang naglilingkod sa 42 kongregasyon sa Guadeloupe at 80 naman sa 2 group sa France.
Armenian
Ini-release ni Brother Geoffrey Jackson, miyembro ng Lupong Tagapamahala, noong Hunyo 28, 2024, ang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Armenian. a Ipinatalastas ito noong unang araw ng 2024 ‘Ihayag ang Mabuting Balita!’ Panrehiyong Kombensiyon na ginanap malapit sa Yerevan, Armenia. Sa kabuoan, 6,155 ang dumalo. Mada-download agad ang Bagong Sanlibutang Salin sa Armenian sa jw.org at sa JW Library app. Makukuha naman ang inimprentang edisyon sa bandang dulo ng 2024.
Ang unang salin ng Bibliya sa wikang Armenian ay nailathala noong ikalimang siglo C.E. Ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Armenian ay unang ini-release noong 2010. Sa ngayon, mga tatlong milyong nagsasalita ng Armenian ang nakatira sa Armenia, kasama na ang 10,550 kapatid na naglilingkod sa 117 kongregasyon. May karagdagan pang 5,200 kapatid na nagsasalita ng wikang ito at naglilingkod sa mga kongregasyon at mga group sa Europe at United States.
Fante
Noong Hunyo 28, 2024, ini-release ni Brother Freeman Abbey, miyembro ng Komite ng Sangay sa Ghana, ang aklat ng Mateo sa wikang Fante noong 2024 ‘Ihayag ang Mabuting Balita!’ Panrehiyong Kombensiyon na ginanap sa Takoradi Assembly Hall sa Sekondi-Takoradi, Ghana. May 1,230 kapatid na dumalo in person, at 2,022 naman ang nanood ng programa sa pamamagitan ng videoconference. Tumanggap ng inimprentang kopya ng Ang Bibliya—Mabuting Balita Ayon kay Mateo ang mga dumalo. Mada-download din agad ito sa jw.org at sa JW Library app.
Tinatayang anim na milyong tao ang nagsasalita ng wikang Fante. Ang unang kongregasyong nagsasalita ng wikang ito ay naitatag sa tinatawag ngayong Sekondi-Takoradi, Ghana, noong Setyembre 1935. Sa ngayon, mga 9,700 kapatid na nagsasalita ng wikang Fante ang naglilingkod sa 158 kongregasyon sa Ghana.
Icelandic
Ini-release ni Brother David Splane, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Icelandic noong Hunyo 28, 2024, sa 1,312 dumalo sa unang araw ng 2024 ‘Ihayag ang Mabuting Balita!’ Espesyal na Kombensiyon sa Reykjavík, Iceland. Tumanggap ng inimprentang kopya ng Bagong Sanlibutang Salin ang mga dumalo sa kombensiyon. Mada-download din ito agad sa jw.org at sa JW Library app.
Noong 2019, tinanggap ng ating mga kapatid ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Icelandic. Masayang-masaya ang 395 kapatid na nagsasalita ng Icelandic at naglilingkod sa limang kongregasyon dahil mayroon na silang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin na magagamit nila sa ministeryo sa islang ito na may populasyong 390,000.
Ngangela
Noong Hunyo 28, 2024, ini-release ni Brother Johannes De Jager, miyembro ng Komite ng Sangay sa Angola, ang mga aklat ng Bibliya na Mateo, Lucas, at Gawa sa Ngangela. Ang release ay ipinatalastas sa 450 dumalo sa 2024 ‘Ihayag ang Mabuting Balita!’ Panrehiyong Kombensiyon sa Menongue, Angola. Tumanggap ng inimprentang kopya ng Ang Bibliya—Mabuting Balita Ayon kay Mateo ang mga dumalo. Ang tatlong aklat ng Bibliya ay mada-download agad sa jw.org at sa JW Library app.
Tinatayang isang milyong nagsasalita ng Ngangela ang nakatira sa Angola. Ang unang kongregasyong nagsasalita ng Ngangela ay naitatag noong 2011. Mayroon na ngayong 260 kapatid na naglilingkod sa walong kongregasyon at group na nagsasalita ng Ngangela sa Angola at Namibia.
Ngabere
Ini-release ni Brother Carlos Martinez, miyembro ng Komite ng Sangay sa Central America, ang aklat na Ang Bibliya—Mabuting Balita Ayon kay Mateo sa Ngabere noong Hunyo 30, 2024, sa isang inirekord na programa na napanood sa pamamagitan ng streaming sa ilang Kingdom Hall sa Costa Rica at Panama. Tumanggap ng inimprentang kopya ng aklat ng Mateo ang 2,032 dumalo sa mga lugar na ito kasunod ng patalastas. Mada-download din ito sa jw.org at sa JW Library app.
Sa ngayon, tinatayang 216,000 nagsasalita ng Ngabere ang nakatira sa Costa Rica at Panama. Ang 877 kapatid natin na nagsasalita ng Ngabere ay naglilingkod sa 26 na kongregasyon at 2 group sa mga bansang ito.
a Ang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin ay ini-release sa wikang Eastern Armenian, na naiiba sa wikang Western Armenian na sinasalita sa maraming pamayanan sa labas ng Armenia.