Pumunta sa nilalaman

OKTUBRE 14, 2022
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Ini-release ang Nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa Samoan

Ini-release ang Nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa Samoan

Noong Oktubre 9, 2022, ini-release ang nirebisang edisyon ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Samoan. Ini-release ni Brother Geoffrey Jackson ng Lupong Tagapamahala ang Bibliya sa isang pahayag na patiunang inirekord. Napanood ito ng mga Saksi ni Jehova sa American Samoa, Australia, New Zealand, at Samoa. Pagkatapos ng pahayag, natanggap ng mga tagapakinig ang inimprentang mga kopya ng Bibliya at puwede na rin nila itong i-download.

Nagsimulang mangaral ang mga Saksi ni Jehova sa Samoa noong 1931, at ang unang kongregasyon ay naitatag sa Apia noong 1953. Naging available ang Bagong Sanlibutang Salin sa Samoan noong 2009. Masayang-masaya ang mga Saksi ni Jehova pati na ang ibang tao sa Bagong Sanlibutang Salin. Tumpak ito at madaling makuha.

Ang Samoan remote translation office sa Siusega, Samoa

Sa nirebisang edisyong ito, nagsikap nang husto ang mga translator na gumamit ng makabago at madaling maunawaang wika pero tumpak pa rin. Sinabi ng isang translator: “Malaki ang paggalang ng mga taga-Samoa sa Bibliya. Kaya ginamit ng mga translator ang wika na simple at madaling maunawaan pero pormal pa rin. Sa tulong ni Jehova, mayroon na kami ngayong kumpletong nirebisang Bibliya sa Samoan na makakatulong sa aming lahat.”

Nagtitiwala kami na lalo pang makikinabang ang mga mambabasa ng salin na ito sa mahahalagang kaisipan ng ating Diyos na si Jehova.—Awit 139:17.