ABRIL 29, 2020
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Inilabas ang Nirebisang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Wikang Croatian at Serbian
Noong Abril 25, 2020, sa isang nakarekord na video, inilabas ni Brother Mark Sanderson, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Croatian at Serbian. May mga bersiyong Roman at Cyrillic ang salin sa Serbian.
Para masunod ang mga restriksiyon ng gobyerno dahil sa coronavirus, hindi nagtipon ang mga kongregasyon sa Bosnia and Herzegovina, Croatia, Montenegro, at Serbia para sa okasyong ito. Kaya ginawa ito sa pamamagitan ng videoconference at 12,705 ang nakapanood.
Isang kapatid na nakapanood ng programa ang nagsabi na isang “kayamanan” ang nirebisang Bibliya, at sinabi rin niya, “parang kinakausap ako ni Jehova.” Sinabi naman ng isang elder: “Habang binabasa ko ang Bibliyang ito sa sarili kong wika, mas ramdam ko ang pag-ibig ni Jehova—nararamdaman kong nagmamalasakit siya sa akin. At kapag papatibayin ko ang mga kapatid, mas maipaparating ko sa kanila kung gaano sila kamahal at pinapahalagahan ni Jehova.”
Noong 1996 sinimulan ang pagsasalin ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Croatian at Serbian. Wala pang tatlong taon, noong Hulyo 1999, inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa mga wikang ito. Pagkalipas ng pitong taon, noong 2006, inilabas ang kumpletong Croatian at Serbian na Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan.
Tumpak at madaling maintindihan ang mga nirebisang saling ito. Nagtitiwala tayo na makakatulong ang mga Bibliyang ito para makita ng mga mambabasa na “ang salita ng Diyos ay buháy.”—Hebreo 4:12.