NOBYEMBRE 29, 2023
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Ipinangaral ang Mensahe ng Kaharian sa Buong Mundo sa Espesyal na Kampanya Noong Setyembre 2023
Noong Setyembre 2023, nakibahagi ang mga Saksi ni Jehova sa espesyal na kampanya na ipangaral sa buong mundo ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ginamit nila ang Bantayan Blg. 2 2020, na may pamagat na “Ano ang Kaharian ng Diyos?” a Ipinapakita ng sumusunod na karanasan ang epekto ng kampanyang ito sa mga tao sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
England
Noong panahon ng kampanya, nakausap ni Mark at ng 10-taóng-gulang niyang anak na si Flynn ang isang babae sa unang bahay. Agad na kinuha ng babae ang Bantayan sa kamay ni Mark at sinabi: “Hindi ako makapaniwalang dadating kayo ngayon! Kailangang-kailangan ko ang sagot sa tanong na ito.” Naluluha ang babae nang sabihin niyang kamamatay lang ng anak niya at gusto niyang maaliw. Agad na sinabi ni Mark sa babae ang tungkol sa pagkabuhay-muli. Tuwang-tuwa ang babae at gusto niyang makaalam nang higit pa tungkol dito. Nang bumalik sina Mark at Flynn, tinanggap ng babae at ng asawa niya ang brosyur na Masayang Buhay Magpakailanman at nagsimula silang mag-aral ng Bibliya.
Indonesia
Habang naghihintay si Frederick sa appointment niya sa doktor, nakipagkuwentuhan siya sa isang lalaking naghihintay rin kasama ng anak nito. Sinabi ni Frederick ang pangako ng Bibliya na mawawala na ang sakit at pagdurusa. Pagkatapos ipabasa sa lalaki ang sinabi ni Jesus sa Mateo 6:9, 10 tungkol sa Kaharian ng Diyos, tinanong siya ni Frederick: “Paano daw mawawala ang pagdurusa?” Agad na sumagot ang lalaki: “Sa pamamagitan ng Diyos at ng Kaharian niya.” Pagkatapos, nagtanong ang lalaki kung ano ba ang Kaharian ng Diyos. Siya namang tawag sa pangalan ng anak niya kaya kailangan na nilang umalis. Agad na ibinigay ni Frederick ang adres niya at isang kopya ng Bantayan sa lalaki. Laking gulat ni Frederick kinabukasan nang pumunta ang mga magulang ng bata sa bahay nila dahil gusto nilang malaman ang higit pa tungkol sa mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos. Masayang isinaayos ni Frederick na ipagpatuloy ang pag-uusap nila.
Malawi
Sa Malawi, inalok ng dalawang sister ng Bantayan ang isang pinuno ng nayon at sinabi na malapit nang mamahala ang Kaharian ng Diyos sa buong lupa. Nagtanong ang pinuno: “Ibig bang sabihin, balang araw, mawawala na ang kaharian ko?” Pagkatapos ipakita ng mga sister na ang Kaharian ng Diyos lang ang solusyon sa mga problema ng tao, sinabi ng pinuno: “Magandang balita ito. Naiintindihan ko na hindi magagawa ng kahit sinong pinuno ang gagawin ng Kaharian ng Diyos para sa mga tao sa buong mundo.” Humingi siya ng lima pang kopya ng Bantayan para ibigay sa iba pang mga pinuno ng nayon. Sinabi pa niya na umaasa siyang makakapag-usap pa sila ulit tungkol sa Bibliya sa hinaharap.
Mexico
Habang sakay ng bus sa Puebla, Mexico, tinanong ng isang sister ang isang matandang lalaki kung puwede siyang magbahagi ng isang mensahe ng pag-asa. Pumayag ang lalaki, kaya binasa ng sister ang sinabi ni Jesus tungkol sa Kaharian ng Diyos sa Mateo 6:9, 10. Nagtanong ang lalaki: “Ano ba ang Kaharian ng Diyos? Hindi pa ako nakabasa ng Bibliya, at ngayon lang din ako may nakausap na Saksi ni Jehova.” Sinagot ng sister ang mga tanong niya gamit ang Bantayan na nasa cellphone niya. Marami pang itinanong ang lalaki, kaya ipinakita ng sister kung paano niya magagamit ang JW Library app para mahanap ang mga sagot. Dahil kaunti na lang ang space sa cellphone ng lalaki, nagbura siya ng mga file at sinabi: “Mas mahalagang matuto tungkol sa Kaharian ng Diyos.” Bago siya bumaba sa bus, natapos na niyang basahin ang buong Bantayan, natalakay na nila ang unang aralin sa brosyur na Masayang Buhay Magpakailanman, at pumayag siyang mag-aral ng Bibliya. Paulit-ulit niyang pinasalamatan ang sister at sinabing gusto niyang dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall.
New Zealand
Habang nagbabahay-bahay sa New Zealand, may nakausap ang brother na si Ben na isang nanay na medyo bata pa. Sinabi niya ritong malapit nang wakasan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng pagdurusa. Sinabi ng babae: “Mabuti na lang at dumating kayo! Hindi ako makatulog kagabi kasi sobra akong nag-aalala sa mangyayari sa hinaharap.” Naluha siya nang basahin ni Ben ang Apocalipsis 21:4 at ipaliwanag kung paano aalisin ng Kaharian ang sakit at kamatayan. Tinanggap niya ang Bantayan at sinabing gusto niyang basahin ito agad at matuto pa nang higit.
South Sudan
Marami ang gusto pang matuto tungkol sa Kaharian ng Diyos sa isang refugee camp sa South Sudan. Sa katunayan, sa loob lang ng dalawang oras, halos 1,000 publikasyon ang naipamahagi, kasama na ang Bantayan. Sinabi ng isa sa mga refugee: “Tamang-tama ang dating n’yo. Ito ang talagang kailangan namin!” Isa pang refugee ang nagsabi sa mga kapatid: “Maraming salamat at hindi n’yo kami nakalimutan. Alam naming malayo pa ang pinanggalingan n’yo, pero sana bumalik kayo ulit.”
Taiwan
Nakausap ng dalawang sister sa Taiwan ang isang lalaking lungkot na lungkot dahil sa nangyaring sunog sa Hawaii. Ipinakita sa kaniya ng isang sister ang larawan sa Bantayan tungkol sa isang Paraisong lupa sa hinaharap. Sinabi ng lalaki: “Napakaganda nga kung magiging ganiyan ang buong lupa. Puro masamang balita na lang ang naririnig natin ngayon, kaya talagang nakakatuwang makarinig ng magandang balita tungkol sa hinaharap.”
Isa ngang karangalan para sa ating lahat na makibahagi sa pambuong-daigdig na kampanyang ito at ipaalam sa mga tao na ang Kaharian ng Diyos lang ang pagmumulan ng tunay na kaaliwan at pag-asa.—Roma 15:4.
Nasa ibaba ang mga larawan ng mga kapatid mula sa ilang bansa na masayang nakibahagi sa pambuong-daigdig na kampanya sa pangangaral.
a Sa artikulong ito, tumutukoy sa Bantayan Blg. 2 2020 ang lahat ng pagbanggit sa Bantayan.
Burkina Faso
Costa Rica
Ethiopia
Georgia
Indonesia
Italy
Kenya
Mexico
New Zealand
Panama
Poland
Scotland
South Korea
Taiwan
Togo
Wales