Pumunta sa nilalaman

HULYO 8, 2022
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Isang Bagong Rekord sa Pagsasalin—13 Bibliya, Inilabas sa Isang Weekend

Isang Bagong Rekord sa Pagsasalin—13 Bibliya, Inilabas sa Isang Weekend

Noong weekend ng Hunyo 25-26, 2022, isang bagong rekord sa pagsasalin ang nagawa nang ilabas ang 13 iba’t ibang wikang edisyon ng Bagong Sanlibutang Salin. Dati, ang pinakamaraming wika ng Bibliya na nailabas sa isang weekend ay anim. Narito ang report sa makasaysayang weekend na iyon.

Tzeltal

Inilabas ni Brother Armando Ochoa, miyembro ng Komite ng Sangay sa Central America, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Tzeltal. Ang programa ay napanood ng mga 1,400 sa pamamagitan ng streaming. Inilabas ang Bibliya sa elektroniko at inimprentang format.

Sinabi ng isa sa mga translator ng Tzeltal: “Kitang-kita ko ang tulong sa amin ni Jehova. Hindi ako makapaniwala sa naisagawang proyekto. Alam ko na posible lang ito dahil sa tulong ng espiritu ni Jehova.”

Wayuunaiki

Inilabas ni Brother Carlos Moreno, isang kinatawan mula sa sangay ng Colombia, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (Mateo-Gawa) sa wikang Wayuunaiki. Ang prerecorded na programa ay napanood ng mga 2,000 tao sa Colombia at Venezuela. Ang Bibliyang ito ay makukuha sa elektronikong format. Pinaplano pa ang inimprentang mga kopya ng bagong Bibliya sa hinaharap.

Baoule

Inilabas ni Brother Christophe Coulot, miyembro ng Komite ng Sangay sa Côte d’Ivoire, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Baoule sa isang prerecorded na programa na napanood nang mahigit 12,000 sa pamamagitan ng streaming. Inilabas ang Bibliya sa elektronikong format. Makukuha ang inimprentang mga edisyon sa Oktubre 2022. Ito ang unang pagkakataong isinalin ang Bagong Sanlibutan Salin sa lokal na wika sa teritoryo ng sangay sa Côte d’Ivoire.

Ganito ang sinabi ng isang miyembro ng translation team habang ginagawa nila ang proyekto: “Kapag may problema kami, iniisip namin ang kagalakang madarama ng mga kapatid at ng mga tao sa teritoryo kapag natanggap nila ang Bibliya sa sarili nilang wika. Ito, pati na ang tulong ni Jehova, ang nagbigay sa amin ng lakas na magpatuloy.”

Welsh

Inilabas ni Brother Peter Bell, miyembro ng Komite ng Sangay sa Britain, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Welsh sa isang programa mula sa isang Kingdom Hall sa Wales. Mga 2,057 ang dumalo sa mga Kingdom Hall na nakakonekta sa programa sa buong Wales at Argentina. Nakuha na nila ang elektronikong mga kopya. Makukuha naman ang inimprentang edisyon sa Disyembre 2022.

“Hinding-hindi ko malilimutan nang una naming isalin ang pangalan ni Jehova. Napakasayang karanasan na maibalik ang pangalan ng Diyos kung saan ito nararapat,” sinabi ng isang miyembro ng translation team.

Manyawa at Tewe

Inilabas ni Brother Marcelo Santos, miyembro ng Komite ng Sangay sa Mozambique, ang The Bible—The Book of Matthew sa mga wikang Manyawa at Tewe sa dalawang prerecorded na programa. Napanood ang mga programa sa JW Stream. Napanood din ito sa telebisyon at napakinggan sa mga istasyon ng radyo. Ang mga Bibliya ay inilabas sa audio at elektronikong format. Makukuha ang inimprentang mga edisyon sa Setyembre 2022.

Ito ang unang aklat ng Bibliya na naisalin sa Manyawa, at ilang aklat ng Bibliya lang ang naisalin sa Tewe. Talagang makikinabang nang husto ang mga makakabasa at makakapakinig nito.

Quechua (Ancash), Quechua (Ayacucho), at Quechua (Cuzco)

Inilabas ni Brother Marcelo Moyano, miyembro ng Komite ng Sangay sa Peru, ang elektronikong format ng Bagong Sanlibutang Salin sa Quechua (Ancash), Quechua (Ayacucho), at sa Quechua (Cuzco). Ito ang tatlong pangunahing wikang Quechua na sinasalita sa Peru. Napanood nang mahigit 7,000 tao ang prerecorded na programa. Makukuha ang inimprentang mga kopya sa Oktubre 2022.

Kahit na magkakahawig ang mga wika, iba-iba ring wikang Quechua ang kailangan para mas maintindihan ang Bibliya. Ang mga translation team sa bawat wika ay pumili ng mga salitang madaling maintindihan ng mga mambabasa na mula sa kani-kanilang lugar.

Ndebele, Sesotho (Lesotho), at Sesotho (South Africa)

Inilabas ni Brother Kenneth Cook, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang Bagong Sanlibutang Salin sa mga wikang Ndebele at Sesotho (South Africa). Inilabas din niya ang Bagong Sanlibutang Salin sa Sesotho (Lesotho). Mahigit 28,000 ang nakapanood ng prerecorded na programang ito sa pamamagitan ng streaming sa ilang Kingdom Hall at pribadong tahanan sa buong bansa. Natanggap nila ang mga kopya ng Bibliyang ito sa elektronikong format; ang inimprentang mga edisyon naman ay planong ilabas sa Disyembre 2022. Ito ang unang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin na naisalin sa Ndebele at Sesotho (South Africa).

Ganito ang sinabi ng isang miyembro ng translation team tungkol sa Bibliyang Ndebele: “Magiging isang tunay na pagpapala ang salin na ito sa mga taong nagsasalita ng Ndebele sa teritoryo namin dahil ginagamit nito ang pangalan ni Jehova. Sa kauna-unahang pagkakataon, makikilala nila ang pangalan ng Diyos na mababasa nila sa kanilang mga Bibliya.”

Ndebele (Zimbabwe)

Inilabas ni Brother Shingirai Mapfumo, miyembro ng Komite ng Sanay sa Zimbabwe, ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin sa Ndebele (Zimbabwe) sa elektronikong format. Makukuha naman ang inimprentang mga kopya sa Hulyo 2022. Ang prerecorded na programang ito ay napanood nang mahigit 8,700 sa mga Kingdom Hall sa buong Zimbabwe sa pamamagitan ng streaming.

May iba pang mga Bibliya na makukuha sa Ndebele (Zimbabwe), pero mas maliwanag ang mga katotohanan ng Bibliya sa saling ito. Halimbawa, tinatawag ng ibang Bibliyang Ndebele si Jesu-Kristo na “Tunay na Diyos.” Malinaw na ipinapakita ng Bagong Sanlibutang Salin na magkaiba ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo. “Ginagamit ng salin na ito ang pang-araw-araw na wika ng mambabasa na madaling maintindihan,” ang sabi ng isang translator.

Masaya tayo na mabasa ang Bibliya ng mga tao sa mundo na gustong malaman ang katotohanan sa Salita ng Diyos at kumuha ng “tubig ng buhay na walang bayad” sa sarili nilang wika.—Apocalipsis 22:17.