HULYO 23, 2021
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Karangalang Matawag na mga Saksi ni Jehova sa Loob ng 90 Taon
Noong Linggo, Hulyo 26, 1931, nagpahayag si Brother Joseph F. Rutherford, noo’y presidente ng Watch Tower Bible and Tract Society, sa mahigit 15,000 katao sa isang kombensiyon sa Columbus, Ohio, U.S.A. Ang ilang bahagi ng programa ay ibinrodkast sa 450 istasyon ng radyo sa buong daigdig. Iyan ang kauna-unahang pagkakataon na ang isang programa sa radyo ay ibinrodkast sa napakaraming istasyon sa buong daigdig. Iniharap din ni Brother Rutherford ang isang napakahalagang resolusyong pinamagatang “Isang Bagong Pangalan.” Ang sabi nito: “Mula ngayon, nais naming makilala at matawag sa pangalang mga saksi ni Jehova.” (Tingnan ang kahon na “ Ang Resolusyon.”) Ang mga tagapakinig ay sumang-ayon sa pagsasabing “Oo!” at masigabong nagpalakpakan.
Tungkol sa pangyayaring iyon, ganito ang sinabi ni Brother Arthur Worsley, na ang talambuhay ay inilathala noong 1986: “Hindi ko makakalimutan ang napakalakas na sigaw at palakpakan.”
Narinig sa ibang mga bansa ang resolusyon na binasa, dahil ibinrodkast ito sa radyo. Sinabi nina Brother at Sister Barber sa Australia: “Nang magpalakpakan ang mga tagapakinig sa America, nagtayuan ang mga kapatid sa Melbourne at nagpalakpakan din.” Sa Japan, ang resolusyon ay narinig ng isang maliit na grupo, kasama na si Sister Matsue Ishii. Nang maglaon ay isinulat niya: “Masaya kaming nagsigawan kasabay ng mga kapatid natin sa America.”
Sinabi ng ilan na ang mga karatulang “Welcome International Bible Students” sa mga negosyo sa Columbus, Ohio, ang lunsod kung saan idinaos ang kombensiyon, ay pinalitan ng “Welcome, Jehovah’s Witnesses.” Noong Hulyo 28, 1931, sa The Messenger, pahayagan ng Watch Tower Bible and Tract Society na nag-uulat ng mga detalye tungkol sa ating mga kombensiyon, ginamit ang pangalang mga Saksi ni Jehova sa kauna-unahang pagkakataon.
Pagkatapos ng kombensiyon, nakibahagi ang mga kapatid sa isang malaking kampanya ng pangangaral sa maraming wika. Namahagi sila ng buklet na The Kingdom, the Hope of the World, kung saan mababasa ang resolusyon tungkol sa bagong pangalan. Sa loob ng dalawa at kalahating buwan, mahigit limang milyong kopya ang naipamahagi. Maraming lider ng relihiyon, gobyerno, at negosyo ang tumanggap ng kopya.
Ganito ang naalala ni Brother Martin Poetzinger noong panahong iyon: “Sa bahay-bahay, nagugulat ang mga tao kapag sinasabi namin: ‘Isa po akong Saksi ni Jehova.’ Napapailing ang mga tao o nagtatanong: ‘Pero mga estudyante ng Bibliya pa rin kayo?’” (Tingnan ang kahon na “ Mga Calling Card na Nagpapakilala ng Pangalan ni Jehova.”) Pero isinulat ni Brother Poetzinger tungkol sa sumunod na mga taon: “Nagbago iyon! Bago pa ako makapagsalita, sinasabi na ng mga tao: ‘Saksi ni Jehova ka, ’no?’”
Tungkol sa kung bakit angkop ang pangalan natin, ganito ang sinabi ni Brother A. H. Macmillan, na dumalo rin sa kombensiyon noong 1931: “Sa tingin ko, eksakto ang pangalang iyon dahil sa ginagawa at tunguhin natin. Dati, tinatawag tayong mga Estudyante ng Bibliya. Bakit? Dahil ganoon tayo. Nang mag-aral din ng Bibliya kasama natin ang mga tao mula sa iba’t ibang bansa, tinawag tayong International Bible Students. Pero ngayon, mga saksi tayo ng Diyos na Jehova, at sinasabi niyan sa mga tao kung sino tayo at kung ano ang ginagawa natin.”
Milyon-milyon ngayon ang nagsasabing karangalan nilang tawaging mga Saksi ni Jehova.—Isaias 43:10-12.