MARSO 21, 2024
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Libo-libo ang Napangaralan ng mga Saksi ni Jehova Noong Espesyal na Kampanya sa Bolivia at Colombia
Mula Nobyembre 1, 2023, hanggang Enero 31, 2024, mahigit 19,000 Saksi ni Jehova ang nangaral ng mensahe ng pag-asa noong espesyal na kampanya sa Bolivia at Colombia. Ipinangaral ng mga Saksi ang mensahe ng Bibliya sa Spanish at 18 iba pang wika, kasama na ang Bolivian at Colombian sign language.
Sa bahay-bahay, nagulat ang isang brother sa Guadalupe, Colombia, na nagsasalita ng Spanish. Binuksan ng isang babae ang pinto at sinabi, “Matagal ka na naming hinihintay!” Sinabi ng babae na mga ilang araw bago nito, napag-usapan nilang mag-asawa kung dapat ba nilang ipagdiwang ang ilang relihiyosong selebrasyon. Sinabi ng asawa ng babae na nakita niyang nangangaral sa malapit ang mga kapatid natin. Sigurado siyang dadalawin din sila ng mga Saksi at sasagutin ang mga tanong nila. Masaya ang mga kapatid natin na tulungan ang pamilyang ito na malaman ang itinuturo ng Bibliya. Isinaayos din nilang may patuloy na dadalaw sa kanila.
Habang nangangaral sa bayan ng Cuatro Cañadas, Bolivia, kinausap ng dalawang sister si Miguelina sa labas ng isang tindahan. Nalaman nila na namatayan siya ng mahal sa buhay kamakailan, kaya binasa nila ang Apocalipsis 21:3, 4. Sinabi ni Miguelina na gusto niyang matuto nang higit mula sa Bibliya. Kaya lang nakatira siya sa isang liblib na lugar at wala siyang telepono. Pero makalipas ang ilang araw, habang nangangaral ang dalawang sister sa isang kabataang babae sa isang bahay sa liblib na lugar sa bayan ding iyon, lumabas si Miguelina! Nagulat ang mga sister. Anak pala ni Miguelina ang kabataang babae na kausap nila. Tuwang-tuwa silang lahat! Nagsaayos ang mga sister na masimulan ang pag-aaral sa Bibliya sa buong pamilya.
Sigurado tayo na talagang pinapahalagahan ni Jehova ang pagsisikap ng mga kapatid nating nakibahagi sa kampanyang ito at patuloy niyang pagpapalain ang bayan niya habang nangangaral tayo ng mabuting balita “sa lahat ng nilalang sa buong lupa.”—Colosas 1:23.