Pumunta sa nilalaman

OKTUBRE 11, 2019
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Limang Taon Na ang JW Broadcasting

Limang Taon Na ang JW Broadcasting

Sa nakaraang limang taon, na-enjoy ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo ang buwanang espirituwal na programa sa JW Broadcasting. Habang inaabangan natin ang mga programa sa susunod na mga taon ng paglilingkod, tingnan natin ang ilang magagandang naisagawa mula noong unang broadcast noong Oktubre 2014.

Isinalin sa 185 wika. Noong una, ang mga programa ay sa wikang Ingles lang. Pero noong Mayo 2015, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala na isalin ang mga ito sa mahigit 40 wika. Ngayon, makalipas lang ang apat na taon, isinasalin na ito sa mga 185 wika.

Content na mula sa buong mundo. Dahil dinisenyo ang programa para sa mga kapatid sa buong mundo, parami nang parami ang video segment na inihahanda ng mga video team na mula sa iba’t ibang bansa. Madalas na nagtatapos ang programa sa isang video sa mga kongregasyong nasa malalayong lugar, kasama na ang mga nasa Ethiopia, Iceland, Mongolia, Saipan, Tuvalu, at Uganda. Ang mga programa sa JW Broadcasting ay pinapanood sa 230 bansa, pati na sa malalayong lugar sa Antartiko gaya ng Heard Island and McDonald Islands, kung saan walang permanenteng residente. Ang average na bilang ng nanonood o nagda-download sa unang buwan pagkalabas ng bagong programa ay mga 8.6 million.

Marami at iba’t ibang content. Mahigit 60 oras ng orihinal na content ang nagawa na—mga pahayag, interbyu, karanasan, balita, at pagsasadula. Mula nang ilabas ang unang original song na The Best Life Ever, naging regular na bahagi na ng programa ang mga music video. Ang mga kantang ito ay isinasalin sa 368 wika.

Mga host. Noong una, mga miyembro lang ng Lupong Tagapamahala ang nagho-host sa programa. Pero ngayon, nagho-host na rin ang mga helper ng mga komite ng Lupong Tagapamahala. Sa kabuoan, 29 na brother na ang naging host o co-host sa mga programa.

Magagandang komento. Nagustuhan ng isang brother sa United States, na na-stroke at patuloy na dumaranas ng masasamang epekto nito, ang mga original song. Sinabi niya: “Natulungan ako ng magaganda at nakakapagpatibay na mga kanta na maging positibo para maharap ko ang bagong pagsubok sa buhay ko. Napakalaking tulong nito para mas maipakita ko ang mga katangiang Kristiyano. Maraming salamat sa probisyong ito!”

Pagkatapos mapanood ang Nobyembre 2016 na programa, isang pamilya sa United States na namatayan ng anak dahil sa cancer ang sumulat: “Naiyak kami habang pinapanood ang music video na Ito’y Nalalapit Na. Parang kami ang mga magulang sa video na nasa paraiso. Kapag sa tingin ko ay hindi ko na kaya, laging ipinaparamdam ni Jehova na naiintindihan niya ako at tutulungan niya kami. Ang video na iyon ay sagot ni Jehova sa mga panalangin namin.”

Isang mag-asawa sa Ukraine ang nagpahayag ng pagpapahalaga sa programa: “Dahil sa JW Broadcasting, parang kapamilya na namin ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala!”

Nagpapasalamat tayo kay Jehova sa napakagandang probisyong ito, na patuloy na pinagkakaisa ang bayan niya sa buong mundo.​—1 Pedro 2:17.