Pumunta sa nilalaman

AGOSTO 31, 2020
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Mahahalagang Pangyayari Noong 2020 Taon ng Paglilingkod

Mahahalagang Pangyayari Noong 2020 Taon ng Paglilingkod

Noong nakalipas na taon ng paglilingkod, napaharap sa maraming problema ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang espirituwal na gawain. Pero kahit may mga problema, determinado ang mga kapatid na manatiling nagkakaisa at tapat sa Diyos.

Isa sa mga pangunahing dahilan ng problemang ito ay ang COVID-19 pandemic. At ngayon lang ulit naranasan ng mundo ang ganito kalaking problema.

Mabilis na nag-adjust ang mga Saksi ni Jehova. Nakagawa sila ng mga paraan para patuloy na sumamba nang magkakasama, magpatibayan sa isa’t isa, at maipangaral ang mabuting balita.

Ito ang ilan sa mga “magandang balita” mula sa taóng ito.—Kawikaan 15:30.

Mga Inilabas na Bibliya

Sa nakalipas na taon ng paglilingkod, nakapaglabas tayo ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan nang buo o bahagi nito sa 36 na wika. Dahil sa COVID-19, nagkaroon ng mga restriksiyon. Kaya inilabas sa mga virtual meeting ang maraming Bibliya sa electronic format nito. Available na ang buong Bagong Sanlibutang Salin o ang bahagi nito sa 193 wika.

Mga Update ng Lupong Tagapamahala

Mula Marso 18, 2020, nagbibigay ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga espesyal na video program buwan-buwan tungkol sa pandemic sa jw.org at JW Library app.

Sa unang update, sinabi ni Brother Stephen Lett na totoong nakaka-stress ang pandemic. Pero pinapatunayan nito na “nabubuhay na tayo sa mga huling bahagi ng huling araw. Sa katunayan, sa huling bahagi ng huling bahagi ng mga huling araw!”

Kahit gaano kalala ang sitwasyon, sinabi ni Brother Lett na “bilang bayan ni Jehova, hindi tayo dapat mag-panic.”

Makikita sa bawat update ang mga nakakapagpatibay na report mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Makikita rin sa mga ito ang kahalagahan ng pagsunod sa mga tagubilin ng Lupong Tagapamahala. May mga pagkakataon pa nga na pinapurihan ng mga opisyal ng gobyerno ang mga kapatid natin dahil sa matalinong pagharap sa pandemic.

Kakaibang Memoryal

Sa nakalipas na mga taon, nagsasama-sama ang mga Saksi ni Jehova taon-taon para alalahanin ang Hapunan ng Panginoon. Ngayong taon, may mga lugar na hindi pinapayagan ang mga pagtitipon. Dahil dito, gumawa ng sariling emblema para sa Memoryal ang mga indibidwal at pamilya. Pagkatapos, nanood sila ng pahayag sa Memoryal gamit ang videoconferencing.

May mga lugar na hindi posible ang videoconferencing. Ganito ang nangyari sa 11 sangay sa Africa. Nagsaayos sila ng programa sa Memoryal sa pamamagitan ng pagbo-broadcast nito sa TV at radyo. Dahil dito, mahigit 407,000 mamamahayag ang nakapakinig ng programa, hindi pa kasama diyan ang hindi nabilang na mga interesado.

Mga Virtual Meeting sa TV at Radyo

Inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang ilang sangay na i-broadcast sa TV at radyo ang mga pulong gaya ng ginawa noong Memoryal. Dahil dito, napapakinggan ng mga mamamahayag sa mga lupaing walang access sa Internet ang mga pulong ng kongregasyon linggo-linggo. Sa ngayon, may 23 sangay na gumagawa ng ganitong kaayusan, kasama na ang mga lugar sa Africa, Europe, North America, at South America.

Mga Disaster Relief Committee

Dahil sa COVID-19 pandemic, maraming kapatid ang nahihirapang makakuha ng mga pangunahing pangangailangan nila. Mahigit 400 Disaster Relief Committee ang binuo sa buong mundo para tulungan ang mga kapatid na hindi na kayang suportahan ng kongregasyon nila. Noong 2020 taon ng paglilingkod, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang mahigit $18 milyon para gamitin sa pagbibigay ng relief sa mahigit 330,000 mamamahayag.

Nakarekord na Kombensiyon

Sa unang pagkakataon, napanood ng mga kapatid sa kanilang bahay ang panrehiyong kombensiyon gamit ang Internet. Mga miyembro ng Lupong Tagapamahala at mga helper nila ang nagbigay ng pahayag sa inirekord na programa. Isinalin ito sa mahigit 500 wika. Ginawang available ang kombensiyon sa jw.org at JW Library app para mapanood nang ligtas ng mga mamamahayag at interesado ang programa sa kanilang bahay.

Patuloy ang Pag-uusig

Hindi lang pandemic ang tinitiis ng mga kapatid sa iba’t ibang lupain; napapaharap din sila sa tumitinding pang-uusig.

Sa nakalipas na mga taon, daan-daang bahay ng mga Saksi ang ilegal na ni-raid, at inaresto ang ilan sa kanila sa Russia. Sa ngayon, may 42 kapatid ang nakakulong sa Russia, at 2 pa sa Crimea. Mula nang magdesisyon ang Supreme Court ng Russia noong 2017, mahigit 1,000 bahay na ng mga kapatid ang ni-raid.

Ang may pinakamaraming Saksi na ibinilanggo ay sa Eritrea. Sa ngayon, 52 na ang nakabilanggo roon, kasama na sina Paulos Eyasu, Isaac Mogos, at Negede Teklemariam. Nakabilanggo na sila mula pa noong Setyembre 17, 1994 dahil tumanggi silang magsundalo udyok ng konsensiya. May 26 pang kapatid na nakakulong nang mahigit 10 taon.

Patuloy nating ipapanalangin na magkaroon ng lakas ng loob ang lahat ng kapatid na nakabilanggo. Alam nating nananatili silang tapat habang tinitiis nila ang mga pagsubok.—Apocalipsis 2:10.

Lakas-Loob na Nagtitiis

Sa nakalipas na taon ng paglilingkod, pinatunayan ng mga Saksi sa buong mundo na tapat sila kay Jehova. Patuloy silang nakikibahagi sa iba’t ibang paraan ng pangangaral. Gumagawa rin sila ng paraan para mapatibay ang isa’t isa. At sumusunod sila sa mga tagubilin ng Lupong Tagapamahala at ng lokal na awtoridad.

Sa kanilang mga pagkilos, ipinakita ng mga kapatid natin na mahal nila ang kanilang Maylalang. Makakatulong ang pagiging tapat nila ngayon para maharap ang mas mahihirap pang pagsubok sa hinaharap.—Santiago 1:2, 3.