Pumunta sa nilalaman

Si Dmitriy Dolzhikov ang ika-100 Saksi na kasalukuyang nakakulong sa ilalim ng batas ng Russia dahil sa pakikibahagi sa Kristiyanong mga gawain

OKTUBRE 28, 2022
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Mahigit 100 Saksi Na ang Nakakulong sa Russia at Crimea

Mahigit 100 Saksi Na ang Nakakulong sa Russia at Crimea

Noong Oktubre 26, 2022, may 106 na brother at 4 na sister sa Russia at Crimea ang nakakulong o nasa pretrial detention dahil sa pananampalataya nila. Si Brother Dmitriy Dolzhikov, edad 44, ang ika-100 lingkod ni Jehova na nakulong. Inaresto si Dmitriy noong Setyembre 8, 2022. Inakusahan siya ng pakikibahagi sa mga gawain ng isang ekstremistang organisasyon dahil dumalo siya sa Kristiyanong pagpupulong at ibinahagi niya sa iba ang paniniwala niya. Halos 350 Saksi ang nakulong nang ilang panahon mula nang ipagbawal ang gawain noong 2017.

Inaresto ng mga pulis si Dmitriy matapos i-raid ang apartment niya sa Chelyabinsk Region. Makalipas ang dalawang araw, ipinadala siya sa pretrial detention sa Novosibirsk Region, mga 1,500 kilometro ang layo sa bahay niya.

Labindalawa ang kasama ni Dmitriy sa selda. Hindi pinayagan ang asawa niyang si Marina na dumalaw sa kaniya, pero nagkakausap sila sa pamamagitan ng mga liham.

“Hindi ako makatulog at madalas na nagigising ako sa gabi noong maaresto siya,” ang sabi ni Marina. “Niyaya ako ng mga kapatid sa kongregasyon na doon tumuloy sa kanila. Malaking tulong iyon sa akin.”

Sinasabi ni Marina na kalmado naman at positibo si Dmitriy. “Inaalagaan siya ni Jehova,” ang sabi niya.

Sina Marina at Dmitriy Dolzhikov

Inaakusahang nakikibahagi sa ekstremistang gawain ang ating mga kapatid ayon sa Russian Federation Criminal Code. Kasama rito ang 57 taóng gulang na si Anna Safronova na nahatulang mabilanggo nang anim na taon. Ito ang pinakamahabang sentensiyang ipinataw sa isang sister.

Ang pag-aresto kay Dmitriy ay isa pang kahiya-hiyang pangyayari sa kampanya ng Russia laban sa mga Saksi ni Jehova, na nagpapatuloy sa loob ng mahigit limang taon sa kabila ng maraming beses na pagkondena ng internasyonal na mga organisasyon. Nang ilabas ng Korte Suprema ng Russia ang hatol nito laban sa mga Saksi ni Jehova noong 2017, sinabi ng mga awtoridad na isasara nila ang legal na mga korporasyon ng mga Saksi pero papayagan silang magpatuloy sa kanilang pagsamba. Pero ang huling nabanggit ay hindi nila tinupad. Sa ngayon, 308 kasong kriminal ang isinampa laban sa halos 700 Saksi ni Jehova. At 1,851 bahay ng mga Saksi ang ni-raid.

Idinadalangin natin si Dmitriy at ang lahat ng kapatid na pinag-uusig dahil sa kanilang pananampalataya. Alam natin na patuloy silang papalakasin ni Jehova para makapagtiis.​—Mateo 24:13.