Pumunta sa nilalaman

Ang Patterson Visitor Center sa New York, U.S.A. Nakapaloob na mga larawan: Mga nagtu-tour sa “First-Century Bible Village” museum

ENERO 26, 2024
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Masayang Mag-tour sa Patterson Visitor Center

Masayang Mag-tour sa Patterson Visitor Center

Opisyal na nagbukas noong Enero 1, 2024, ang Patterson Visitor Center, na nasa Watchtower Educational Center sa Patterson, New York, U.S.A. Tampok dito ang museum na pinamagatang “First-Century Bible Village.” Sinabi ni Brother Isaiah Miller, na nagtatrabaho sa Museum Department sa Bethel: “Makikita at mararanasan ng mga bisita sa Bible Village ang buhay ng mga tao noong panahon ni Jesus. Ipinapakita ng mga pag-aaral na talagang natututo ang mga tao sa ganitong interactive na paraan, anuman ang edad nila.” Ganito ang sinabi ng isang nag-tour tungkol sa museum: “Para akong ibinalik sa panahon ng sinaunang Israel. Ang galing!”

Makikita sa museum na ito ang mga hayop, pagkain, at halaman sa mga nayon ng mga Israelita noong unang siglo, pati na ang pang-araw-araw nilang gawain. Parang totoo ang pagkakagawa sa mga ito. Halimbawa, ang mga punong olibo sa museum ay kamukhang-kamukha ng mga punong olibo sa Israel. Puwedeng gamitin ng mga bisita ang gilingang-bato at sumakay sa bangkang kamukha ng ginamit ni Jesus at ng mga alagad niya. Masayang sinabi ng isang brother: “Pakiramdam ko, nando’n ako mismo nang sabihin ni Jesus sa lawa: ‘Tigil! Tumahimik ka!’” (Marcos 4:39) Pagdating naman sa replika ng sinaunang sinagoga, mai-imagine ng mga bisita na nakaupo sila at nakikinig nang mabuti habang binabasa nang malakas ang Salita ng Diyos.

Mga makikita sa Bible Village (mula sa itaas sa kaliwa pakanan): bangkang ginagamit sa pangingisda noong unang siglo, gilingang-bato, sinagoga, at pamilihan

Natutuhan nina Rebecca at Marcos kung paano gumawa ng upuang kahoy sa Bible Village

Isa pang kaabang-abang sa museum ay ang bahagi kung saan makakausap ng mga nagtu-tour ang mga kapatid na kunwari ay mga Israelita. Makikita nila ang iba’t ibang gawain at trabaho ng mga Israelita noong panahon ni Jesus, at puwede nila itong aktuwal na masubukan. Sinabi ng 10-taóng-gulang na si Marcos: “Paborito ko po ’yong tinulungan ako ng isang karpinterong Israelita na gumawa ng upuan!” “Paborito ko rin ’yon,” ang sabi ng walong-taóng-gulang na si Rebecca. “Nagustuhan ko rin ’yong paggiling ng trigo para gawing harina.”

May tatlo pang bahagi ang visitors’ center. Makikita sa “First-Century Bible Coins” ang orihinal na mga baryang ginamit noong unang siglo, pati ang tetradrakmang bibihira lang. Sa seksiyong “All Your Sons Will Be Taught by Jehovah,” malalaman ng mga nagtu-tour ang iba’t ibang paaralan sa organisasyon ni Jehova at kung paano nakikinabang ang mga tao sa pagtuturo ng Diyos. Itinatampok naman sa seksiyong “Defending and Legally Establishing the Good News” ang halimbawa ng tapat na mga kapatid sa ilang bansa na pinag-usig at kung paano sila sinuportahan ng organisasyon ni Jehova.

Kaliwa pakanan: Exhibit na “First-Century Bible Coins,” museum na “All Your Sons Will Be Taught by Jehovah,” at museum na “Defending and Legally Establishing the Good News”

Iniimbitahan ang mga kapatid sa buong mundo na mag-tour sa Patterson Visitor Center. Malaking pampatibay ito sa pananampalataya natin. Paraan din ito ni Jehova para ipakita kung gaano kalaki ang pag-ibig at pagpapahalaga niya sa kaniyang bayan.—Santiago 1:17.