Pumunta sa nilalaman

Ang bayan ng Iqaluit, Nunavut, Canada. Maliit na larawan: Mga kapatid sa labas ng Kingdom Hall pagkatapos ng programa sa pag-aalay

SETYEMBRE 22, 2023
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Masayang Tinanggap ng Hilaga ng Canada at United States ang Mensahe ng Kaharian

Masayang Tinanggap ng Hilaga ng Canada at United States ang Mensahe ng Kaharian

Si Brother Mark Sanderson habang ibinibigay ang pahayag sa pag-aalay sa Iqaluit, Nunavut

Noong Mayo 20, 2023, ibinigay ni Brother Mark Sanderson, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang pahayag sa pag-aalay ng bagong Kingdom Hall sa Iqaluit, Nunavut, Canada. May 44 na dumalo nang in-person sa programa, at 388 naman sa pamamagitan ng videoconference. Isa ang Nunavut sa mga lupain na napakakaunti ng nakatira. Wala pang 40,000 ang residente sa lugar na ito, na may lawak na halos 1,837,000 kilometro kuwadrado. Gaya ng nabanggit sa naunang ulat sa jw.org, maraming hamon ang napaharap sa mga kapatid habang itinatayo ang Kingdom Hall na ito. Tiniis ng matatapang na kapatid na nangaral sa liblib na lugar na ito ang matinding lamig at hirap sa paglalakbay. Itinampok sa programa ng pag-aalay ang napakagandang halimbawa nila.

Ang hilagang teritoryo ng Canada ay halos 40 porsiyento ng lupain ng bansa. Kasama dito ang Nunavut, ang Northwest Territories, at Yukon

Noong 1976, lumipat si Sister Margaret Gallie sa isang komunidad na mga 2,052 kilometro ang layo mula sa Montreal, Quebec. Kilala ngayon ang lugar na iyon na Iqaluit, Nunavut. Siya ang unang Saksi na nangaral sa napakalawak at tigang na lupaing ito. Nang taon ding iyon, dumalaw kay Sister Gallie si Brother Hans Pintar, na tagapangasiwa ng sirkito, at ang asawa niyang si Minerva, para patibayin siya at makibahagi sa ministeryo sa loob ng isang linggo.

Noong 1983 naman, nagpunta ang isang maliit na grupo ng masisigasig na Saksi sa Iqaluit. Napangaralan nila ang isang pamilya, at ang pamilyang ito ang pinakaunang nabautismuhan sa lugar na iyon. Sa sumunod na 20 taon, maraming beses na pinuntahan ng masisigasig na tagapaghayag ng Kaharian ang liblib na lugar na ito para ibahagi ang mabuting balita. Noong 2008, isang group ang naitatag sa Iqaluit. Noong 2010, ang maliit na group na ito ay naging isang kongregasyon, na nagtitipon sa isang gymnasium ng paaralan. Tuwang-tuwa ang mga kapatid nang lumipat sila sa kanilang bagong Kingdom Hall noong Oktubre 2022.

Tiniis ng mapagsakripisyong mga mamamahayag ang mahihirap na kalagayan sa hilagang teritoryo ng Canada sa loob ng maraming taon

Bukod sa Iqaluit, nangaral din ang mga special pioneer kasama ng iba pa sa iba’t ibang liblib na lugar sa buong Nunavut. Kabilang dito si Brother Joel Therrien at ang asawa niyang si Cheryl. Lumipat sila sa Baker Lake, na 1,329 na kilometro sa kanluran ng Iqaluit. Sinabi ni Brother Therrien: “Kahit napakalamig doon, liblib, at magastos din, sulit ang lahat ng sakripisyo. Kitang-kita ang pagpapala ni Jehova sa pagtugon ng mga tao sa Baker Lake. Ipinagpapasalamat namin ang pribilehiyong maibahagi ang mensahe ng Bibliya sa mga tagaroon.”

Dumalo sina Brother Joel Therrien at Joseph Utatnaq sa “Maging Matiisin”! na Panrehiyong Kombensiyon sa Winnipeg, Canada, noong Agosto 25, 2023

Tinanggap ni Joseph Utatnaq, na nakatira sa Baker Lake, ang mabuting balita tungkol sa Kaharian. Nagpa-Bible study siya kay Brother Therrien at nabautismuhan noong 2021. Si Brother Utatnaq lang ang Saksi sa Baker Lake ngayon. Nang malaman niya ang tungkol sa programa ng pag-aalay ng Kingdom Hall sa Iqaluit noong Mayo 2023, ginawa niya ang lahat para makadalo doon. Iyon din ang unang pagkakataon pagkatapos ng bautismo niya na makita ang mga kapatid sa Kingdom Hall. Sinabi niya: “Hangang-hanga ako nang makita ko ang bagong Kingdom Hall. Hindi tagaroon ang marami sa mga tumulong sa pagtatayo ng Kingdom Hall, at hindi sila sanay sa klima at kalagayan ng buhay doon. Talagang pag-ibig kay Jehova at sa kapuwa ang nagpakilos sa kanila.”

Sa ngayon, 178 kapatid ang naglilingkod sa apat na kongregasyon sa mga teritoryong iyon sa hilaga, isang kongregasyon sa Nunavut, dalawa sa Northwest Territories, at isa sa Yukon. Ang mga teritoryong ito ay halos 40 porsiyento ng lupain ng Canada. Mahirap puntahan ang mga nakatira doon dahil bulubundukin ang dulong hilaga ng Canada at napakalamig, kaya hanga tayo sa pagsisikap ng ating mga kapatid na ipangaral ang mabuting balita sa liblib na mga lugar na ito.​—Gawa 1:8.

MGA ISOLATED TERRITORY NG ALASKA, U.S.A.

Kanan sa itaas: Ang Kingdom Hall sa Haines, Alaska. Kanan sa ibaba: Ang kongregasyon sa Haines na nagtitipon sa bago nilang Kingdom Hall

Ang Alaska ang pinakadulong hilaga at pinakamalaking state ng United States. Mga 1,723,000 kilometro kuwadrado ang lawak nito—mahigit doble ng laki ng state ng Texas. Mga 730,000 ang nakatira sa Alaska. Unang ipinangaral ang mabuting balita ng Kaharian sa Alaska noong 1897, at ngayon, mayroon nang mga 2,400 mamamahayag ng Kaharian sa 30 kongregasyon at 8 group doon. Sa Anchorage, ang pinakamalaking lunsod sa Alaska, may 10 kongregasyon at 5 group sa iba’t ibang wika, kasama ang Hmong (White), Korean, Russian, Samoan, at Central Alaskan Yupik, na isang katutubong wika. May mga kongregasyon din at group ng iba’t ibang wika sa iba pang lunsod, gaya sa Fairbanks, Juneau, at Wasilla. Ibinabahagi rin ang mabuting balita sa mga nasa isolated na lugar, gaya ng maliliit na bayan ng Bethel, Wrangell, at Haines.

Si Brother Kenneth Cook, Jr., habang ibinibigay ang pahayag sa pag-aalay sa Haines, Alaska

Noong Agosto 2014, dalawang special pioneer, sina Brother Sebabi Leballo at Dustin Watson, ang inimbitahang lumipat sa Haines, na mga 825 kilometro sa timog-silangan ng Anchorage. Sa loob lang ng isang taon, 40 na ang idinaraos nilang Bible study sa lugar na iyon. Nabautismuhan ang marami sa mga Bible study na ito. Noong 2018, isang maliit na kongregasyon ang itinatag sa Haines at nagpupulong sila sa isang library doon. Noong 2021, isang gusali ang binili at ginawang Kingdom Hall. Noong Setyembre 2022, ibinigay ni Brother Kenneth Cook, Jr., isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang pahayag sa pag-aalay na napanood ng 48 katao, at 56 pa ang nakapakinig sa pamamagitan ng videoconference. Ngayon, ang 21 mamamahayag sa kongregasyong ito ang nagdadala ng mabuting balita sa Haines at sa iba pang liblib na lugar.

Sina Brother Dustin Watson (kaliwa) at Sebabi Leballo (kanan) pagdating sa Haines, Alaska, noong 2014

Pagkatapos dumalo sa pag-aalay ng Kingdom Hall sa Haines noong 2022, sinabi ni Brother Leballo: “Nang dumating ako dito walong taon na ang nakakalipas, hindi ako makapaniwala na magkakaroon dito ng isang kongregasyon at isang Kingdom Hall. Nakakapagpatibay makita na kahit sa liblib na mga lugar, ginagawang posible ni Jehova na matuto ang ‘lahat ng uri ng tao’ tungkol sa kaniya.”​—1 Timoteo 2:4.