Pumunta sa nilalaman

Venezuela: Isang sister na nagrerekord sa wikang Warao (kaliwa sa itaas), at dalawang brother na nagsasalin sa wikang Piaroa (kaliwa sa ibaba). South Korea: Isang pamilya na nanonood ng programa ng 2020 kombensiyon (kanan)

SETYEMBRE 4, 2020
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Matagumpay na Natapos ng mga Tagapagsalin ang 2020 Kombensiyon

Matagumpay na Natapos ng mga Tagapagsalin ang 2020 Kombensiyon

Ang “Laging Magsaya”! 2020 Kombensiyon ay isa sa pinakakakaibang programa ng kombensiyon sa kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova. Isinalin ito sa mahigit 500 wika at napanood ito sa mga bahay. Maraming problema ang hinarap ng mga tagapagsalin, gaya ng limitadong gamit at maikling panahon ng pagsasalin.

Sinabi ng isang tagapagsalin sa wikang Kikuyu sa Kenya: “Dahil naka-lockdown ang sangay, iilan lang ang available naming voice actor. Pero malaking tulong y’ong mga remote volunteer namin. Masaya kaming makita ang tulong ng espiritu ni Jehova sa gawaing ito.”

Ganiyan din ang naging problema ng mga tagapagsalin sa Korean Sign Language at sa wikang Korean. Hindi makapunta ang mga remote volunteer sa Bethel para magrekord.

Ginawang studio sa bahay ng isang kapatid para sa rekording ng mga pahayag at video sa Korean Sign Language

Para makapagrekord, nag-set up ang mga kapatid ng studio sa bahay nila. Galing sa mga kapatid doon ang mga gamit para sa rekording. Bukod diyan, dahil kinansela ang mga asamblea, nagamit ng sangay ang ilang camera sa mga Assembly Hall para irekord ang programa sa sign language.

Sa Venezuela, nahirapan ang mga tagapagsalin dahil mahina ang signal ng Internet. Ang iba naman, walang gamit. Pero nakagawa sila ng paraan para matapos nila ang gawain. Halimbawa, sa isang lugar doon, gumamit ng foam ng kama ang mga tagapagsalin para mabawasan ang ingay habang nagrerekord.

Sa Juba, South Sudan, isang team ang nagsasalin sa wikang Zande. Sinabi ng isa sa kanila: “Nang malaman ko na irerekord ang buong programa ng kombensiyon, sabi ko, ‘Imposible ’yan! ’Di namin mairerekord ang buong programa kasi mahigit 90 audio at video ’yon, ’tapos dalawang buwan lang?’ Ngayong natapos na namin ang proyektong ito, alam ko na walang makakapigil kay Jehova para matupad ang kalooban niya. Nakakamangha talaga!”—Mateo 19:26.

Ang programa ng “Laging Magsaya”! 2020 Kombensiyon ay regalo ni Jehova. Gusto niya na “maligtas ang lahat ng uri ng tao at magkaroon sila ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Timoteo 2:4.