Pumunta sa nilalaman

Lumipat sa ibang bansa ang ilang kapatid natin mula sa Ukraine

HUNYO 9, 2022
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Mga Refugee Mula sa Ukraine, Nakatira Na Ngayon sa Ibang Bansa

Mga Refugee Mula sa Ukraine, Nakatira Na Ngayon sa Ibang Bansa

Si Iryna Makukha ay nakatira na ngayon sa Czech Republic

Nang pumutok ang digmaan sa Ukraine, nagpunta si Iryna Makukha, isang 46 anyos na sister, sa istasyon ng tren sa Kharkiv. Nagdesisyon siyang umalis ng bansa. Sa takot ng mga tao, nagsakayan sila sa mga tren nang hindi man alam kung saan papunta ang mga ito. May takip ang mga bintana ng tren na sinakyan ni Iryna bilang karagdagang pag-iingat. Pagkaalis ng tren, saka lang niya nalaman na papunta pala ito sa Slovakia.

Si Iryna ay nakatira na ngayon sa Czech Republic. Dumating siya sa lunsod ng Prague, ang kabisera ng bansa, noong Marso 3, 2022. Nakahanap siya ng trabaho bilang isang custodial worker, at kasama niya sa isang apartment ang dalawa pang sister na refugee rin mula sa Ukraine. Nag-aaral ng wikang Czech si Iryna at nagpatuloy siya sa buong-panahong ministeryo, na siyang naging buhay niya sa nakalipas na 20 taon.

“Kitang-kita ko kung paano pinangangalagaan ni Jehova ang kaniyang bayan. Kaya napatibay talaga ang pananampalataya ko,” sabi ni Iryna.

Halos 23,000 kapatid natin ang nagdesisyon na manganlong sa ibang bansa, para sa kanilang kaligtasan. Pero kailangan pa rin nilang humanap ng trabaho at bahay, kumuha ng legal na mga dokumento, at ipasok ang mga anak nila sa ibang paaralan. Bukod diyan, kailangan nilang mag-aral ng bagong wika. Ano ang nakatulong sa kanila? Ang kanilang espirituwal na rutin at ang mapagmahal na mga kapatid sa mahihirap na panahong ito.

Nasa Romania na ngayon sina Anatoli, Olena, at Alina Perceac

Ang pamilyang Perceac, sina Anatoli, Olena, at ang 17-anyos na si Alina, ay nakatira na ngayon sa Romania dahil nawasak ang lugar nila sa Mykolaiv Oblast, Ukraine. Lumipat ang pamilya noong Marso 6, 2022. Pinayagan si Anatoli na isama ang pamilya niya sa Romania dahil mamamayan siya ng Moldova. Sinabi ni Olena na ang paglipat sa ibang bansa ay gaya ng “pagbunot sa isang puno kasama ang mga ugat nito mula sa lupa at paglipat nito sa ibang lugar.”

Sa tulong ng mga kapatid sa Romania, may sarili nang apartment ang pamilyang Perceac. Nakahanap na rin ng trabaho sina Anatoli at Olena, at natapos naman ni Alina ang mga assignment niya online mula sa kaniyang paaralan sa Ukraine.

Pinangangalagaan ng mga kapatid sa Romania, hindi lang ang praktikal na pangangailangan ng pamilya, kundi pati na ang kanilang emosyonal at espirituwal na pangangailangan. Regular nilang sinasamahan ang pamilya para hindi madama ng mga ito na nag-iisa sila. Natututuhan nina Olena at Alina ang wikang Romanian gamit ang JW Language app at kapag nakikibahagi sila sa ministeryo kasama ng mga kapatid sa kanilang bagong kongregasyon. Marunong magsalita si Anatoli ng wikang Romanian.

“Simula’t sapol, hindi maikli ang kamay ni Jehova sa amin,” ang sabi ni Anatoli. “Damang-dama namin ang pag-ibig ni Jehova sa pamamagitan ng organisasyon at suporta ng mga kapatid.”

Si Vladyslav Havryliuk at ang kaniyang nanay, si Alina, ay nakatira na sa Poland

Isang biyuda, si Alina Havryliuk at ang 16-anyos niyang anak na lalaking si Vladyslav, ay dumating sa Suwałki, Poland mula sa Vinnytsia, Ukraine, noong Pebrero 27. “Noong una, nag-aalala ako kung saan kami titira ng anak ko at kung paano namin susuportahan ang aming sarili, pero nagtitiwala rin kami na pangangalagaan kami ni Jehova,” sabi ni Alina.

Agad na naghanap si Alina, na 37 anyos, ng isang trabaho na hindi makakahadlang sa pagdalo niya sa mga pulong. Nakahanap siya ng trabaho bilang custodial worker sa isang paaralan. “Ang nagustuhan ko sa trabaho ko, mas marami akong panahon para mangaral at suportahan ang aking pamilya,” sabi niya.

Sina Alina at Vladyslav ay nag-aaral ng Polish at tuloy-tuloy silang naglilingkod bilang auxiliary pioneer sa kongregasyon na nagsasalita ng Polish. Nakaenrol na rin si Vladyslav sa high school.

Mabigat ang pinagdaraanan ng mga kapatid natin sa Ukraine. Pero patuloy silang binibigyan ni Jehova ng lakas na higit sa karaniwan. Totoong-totoo sa kanila ang mga salita sa 2 Corinto 4:8: “Kabi-kabila ang panggigipit sa amin, pero hindi kami nasusukol; hindi namin alam ang gagawin, pero may nalalabasan pa rin kami.”