Pumunta sa nilalaman

DISYEMBRE 30, 2019
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Nag-organisa ng Relief ang mga Saksi ni Jehova Pagkatapos ng Bagyong Idai

Nag-organisa ng Relief ang mga Saksi ni Jehova Pagkatapos ng Bagyong Idai

Matapos salantain ng Bagyong Idai ang timog-silangang baybayin ng Africa noong Marso 2019, agad na bumuo ang mga tanggapang pansangay ng Malawi, Mozambique, at Zimbabwe ng 14 na Disaster Relief Committee (DRC). Sa tatlong bansang iyon, sila ay nakapagtayo o nakapagkumpuni na ng mahigit 650 sa 1,434 na nasirang bahay ng mga kapatid. Sa 29 na nasirang Kingdom Hall, 8 na ang naitayo ulit at 10 ang nakumpuni na.

Sa nakalipas na siyam na buwan, mahigit 3,500 kapatid ang tumulong sa relief work. Ang ilan sa kanila ay nanggaling pa sa malayo. Mula sila sa mga bansa sa Africa, pati na sa Brazil, France, Italy, at United States. Tinuruan ng mga boluntaryo ang mga kapatid na tagaroon ng masonry at pagkakarpintero.

Mga miyembro ng construction group sa Malawi na nagpapa-picture sa harap ng isang bahay na itinatayo nila

Sa Mozambique, pagkatapos tamaan ng Bagyong Idai ang mga probinsiya ng Manica at Sofala, mga 70 porsiyento ng mga tanim ng mga kapatid ang nasira. Sa pangangasiwa ng sangay, namigay ang DRC sa lugar na iyon ng mga 430 tonelada ng pagkain. Nagbigay sila ng pagkain na karaniwan sa lugar at nagbigay rin sila ng corn flour, beans, mantika, asin, at asukal. Bukod diyan, namigay rin ng limang tonelada ng buto para sa mga pangunahing pagkain gaya ng kamatis, mais, at bigas.

Tinataya ng sangay sa Malawi na matatapos ang relief work sa Pebrero 2020, at sa Enero 2020 naman sa Mozambique. Natapos naman ang relief work sa Zimbabwe noong Setyembre 2019. Tinatayang 4 na milyong dolyar (U.S.) ang magagastos sa proyektong ito.

Sinabi ni Trent Edson, miyembro ng Komite ng Sangay sa Zimbabwe at naglilingkod sa Disaster Relief Desk: “Masayang-masaya ang mga kapatid dahil naitayo ulit ang bahay nila. Nakakatuwang makita ang pagmamalasakit ng mga kapatid na tagarito at mula sa ibang bansa. Marami ang gustong tumulong.”

Kasama ang mahigit 10,000 kapatid na naapektuhan ng bagyong ito sa Africa, nagpapasalamat tayo kay Jehova sa pag-ibig ng mga kapatid sa panahon ng problema.—Kawikaan 17:17.

 

Itinayo ng mga boluntaryo ang bahay ni Brother Welosi Mbendera at ng asawa niya na si Sister Esinala Mbendera, na mula sa Nkolong’onjo Congregation sa Malawi

Si Brother Nehemiah Tigere at ang asawa niya na si Sister Fatima Sengami Tigere sa harap ng bagong-tayong bahay nila sa Zimbabwe

Sina Brother Witness Jabu at Brother Augustine Kamadzi, na naglilingkod bilang mga tagapangasiwa ng sirkito, habang nagse-shepherding sa isang pamilyang Saksi na nasiraan ng bahay sa Nchalo, Malawi

Mga brother sa Chimoio relief center na nagbababa ng mga sako ng buto ng mais para ibigay sa mga kapatid sa Mozambique

Mga brother na tatawid sa Shire River sakay ng mga bangka para ipadala ang mga relief supply sa mga kapatid na nakatira malapit sa hangganan ng Mozambique

Mga kapatid na naghahatid ng mga relief supply na natanggap mula sa mga kapatid sa Malawi papunta sa Kingdom Hall sa Tengani Village, Mozambique

Mga kapatid na tumatanggap ng mga relief supply sa Kingdom Hall sa Tengani Village, Mozambique