Pumunta sa nilalaman

HUNYO 7, 2023
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Nag-umpisa Na Ulit ang mga Tour sa Bethel sa Buong Mundo

Nag-umpisa Na Ulit ang mga Tour sa Bethel sa Buong Mundo

Noong Hunyo 1, 2023, nagsimula na ulit ang mga tour sa maraming pasilidad ng Bethel sa buong mundo. Natigil ito nang mahigit tatlong taon dahil sa COVID-19 pandemic. Kaya naging espesyal na araw iyon para sa mga miyembro ng pamilyang Bethel sa buong mundo at sa libo-libong nag-tour.

Masayang binabati ng mga tour attendant ang mga bumibisita sa World Headquarters ng mga Saksi ni Jehova sa Warwick, New York, U.S.A.

Sa pagdating ng mga bisita, sumalubong sa kanila ang mga welcome sign, kanta, ngiti, at yakap ng mga Bethelite. Sinabi ni Ellis Bott, na nagsimulang maglingkod sa world headquarters sa Warwick, New York, noong pandemic: “Ang saya-sayang makita ng mga nakapilang Bethelite na may mga welcome sign sa labas ng lobby! Marami ang naiyak sa tuwa. Nakita ko kung gaano talaga kaespesyal ang Bethel.” Excited naman si Alexis Alexander, isang part-time commuter Bethelite, na batiin at i-welcome ang mga dumarating para mag-tour. Sinabi niya: “Ang gandang makita y’ong pagmamahal ng mga kapatid kay Jehova at sa bahay niya.”

Si Mi-yeon Jo at ang walong taóng gulang na anak niya na si Yoon sa Bethel sa Korea

Gustong-gusto ni Mi-yeon Jo na mai-tour sa sangay sa South Korea ang anak niyang si Yoon, na walong taóng gulang. Sa sobrang excited ni Yoon, halos hindi na siya nakatulog noong gabi bago sila mag-tour sa Bethel. Sinabi ni Mi-yeon: “Pagkagising namin, pinakinggan namin agad y’ong kanta nina Caleb at Sophia tungkol sa pagpunta sa Bethel. Pinatugtog din namin ‘yon sa kotse habang bumibiyahe.” Sobrang na-enjoy ni Yoon ang tour, kaya nasabi niya: “Parang paraiso na ang Bethel. Kulang na lang, mga hayop.”

Si Noah Johnsen at ang mga magulang niya nang mag-tour sila sa sangay sa Wallkill, New York

Matagal nang gustong mag-tour sa Bethel sa New York, U.S.A. ni Noah Johnsen, taga-Alberta, Canada. May spinal muscular atrophy siya. Dahil dito, hindi siya puwedeng sumakay ng eroplano. Kaya para makapag-tour sa sangay sa Wallkill, New York, ipinag-drive siya ng mga magulang niya nang mga 4,100 kilometers. Sinabi ni Noah tungkol sa tour niya: “Isa lang ang masasabi ko sa naranasan ko—pagmamahal. Ramdam na ramdam ko y’ong pagmamahal ni Jehova at ng mga kapatid.”

Si Fyodor Zhitnikov at ang misis niyang si Yulita habang nasa museum exhibit sa sangay sa Kazakhstan

Tuwang-tuwang makapag-tour si Fyodor Zhitnikov, pitumpu’t anim na taóng gulang, at ang misis niyang si Yulita sa museum ng Bethel sa Kazakhstan. Makikita sa isang seksiyon nito ang kuwento ng mga kapatid natin na maraming taóng nagtiis at nanatiling tapat. Espesyal kay Fyodor ang exhibit na ito dahil nakasama niya ang marami sa mga kapatid na iyon. Hangang-hanga siya sa mga ginawa para sa exhibit. Sinabi niya: “Kung iningatan ng mga kapatid ang mga rekord na ito ng ministeryo at mga ginawa namin sa nakalipas na mga taon, lalo nang aalalahanin at papahalagahan ni Jehova ang lahat ng nagagawa ng bawat isa sa atin.”

Masayang-masaya tayong i-welcome ulit ang mga bisita sa mga pasilidad ng Bethel sa buong mundo. Sana mas marami pang bumisita sa susunod na mga araw!—Awit 122:1.

Makikita sa ibaba ang isang photo gallery ng mga kapatid natin na nag-tour sa iba’t ibang pasilidad at museum ng Bethel.

 

Argentina

Belgium

Brazil

Dominican Republic

Ecuador

France

Kazakhstan

New Caledonia

Nigeria

South Korea

United States—Wallkill, New York

United States—Warwick, New York