Pumunta sa nilalaman

ABRIL 20, 2020
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Pagdo-donate Online sa Panahong May COVID-19

Pagdo-donate Online sa Panahong May COVID-19

Ina-adjust ng mga kapatid sa maraming lupain ang paraan nila ng pangangaral at pagsamba dahil sa krisis sa kalusugan sa buong mundo. Sa maraming lugar, pansamantala silang nagbi-videoconference para magpulong imbes na magpunta sa mga Kingdom Hall. Para masuportahan pa rin ang pambuong-daigdig na gawaing pangangaral, maraming kapatid sa ngayon ang nagdo-donate online.

Ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa mahigit 112 lupain ang donate.pr418.com para makapagbigay ng donasyon online, gaya ng paggamit ng debit o credit card.

Dahil hindi na makapag-donate ang karamihan ng mga kapatid sa Kingdom Hall nila, nag-set up ang ilan ng awtomatikong donasyon buwan-buwan sa donate.pr418.com. Ginagamit ni Sister Susan Cohen, isang 74-anyos na mamamahayag sa United States, ang awtomatikong pagdo-donate na ito. Sinabi niya: “Madali lang ito; kung kaya kong gawin, kaya rin ng lahat. Nakakatuwang isipin na nakakapag-donate pa rin ako.”

Iniisip noon ni Brother Eduardo Paiva, taga-Brazil, na ang paggamit ng donate.pr418.com ay isa lang alternatibong paraan ng pagdo-donate kapag hindi ito magagawa sa mga Kingdom Hall. Pero sinabi niya: “Maganda palang paraan ito para patuloy na masuportahan ang pambuong-daigdig na gawain sa mahirap na kalagayang ito. Kaya kahit sa mga huling araw na ito, maipapakita pa rin natin ang ating pagpapahalaga at pag-ibig.”

Sinabi ni Brother Gajus Glockentin, na nangangasiwa sa Treasurer’s Office sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Warwick, New York: “Nakakapagpatibay makita ang kagustuhan ng mga kapatid na suportahan ang Kaharian. Pinapahalagahan natin ang mga donasyong iyon. Patuloy nating sinusuri ang mga gawain natin sa buong mundo para makita kung paano tayo makakatipid at matiyak na walang masasayang na donasyon. Kahit na kinailangang bawasan ng ilan ang donasyon nila, hindi nabawasan ang kagustuhan nilang suportahan ang organisasyon ni Jehova.”—2 Corinto 9:7.