DISYEMBRE 11, 2023
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Pagsasalin ng mga Katotohanan sa Bibliya sa Wikang Papiamento sa Loob ng 75 Taon
Noong 2023 ang ika-75 taon ng gawaing pagsasalin ng mga Saksi ni Jehova sa wikang Papiamento. Ang Papiamento ay galing sa mga wikang Dutch, Portuguese, at Spanish. Sa ngayon, mga 350,000 katao na nakatira sa mga isla ng Aruba, Bonaire, at Curaçao (kilalá bilang ABC islands) ang nagsasalita ng Papiamento.
Nagsimula ang pangangaral sa mga islang ito noong huling bahagi ng 1920’s. Nang dumating sa Curaçao ang mga misyonerong sinanay sa Gilead noong 1946, may ilang kongregasyon na sa isla. Pero wala pang publikasyon na naisalin sa Papiamento. Nagpupulong ang kongregasyon sa wikang English at Papiamento gamit ang mga publikasyon sa Dutch, English, at Spanish. Alam ng mga kapatid na kailangan nila ang mga literatura sa Bibliya sa Papiamento, pero may mga hamon. Halimbawa, walang mga diksyunaryo sa Papiamento at wala ring mga tuntunin sa gramatika at ispeling. Tumulong sa gawaing pagsasalin si Brother Bill Yeatts, isa sa unang mga misyonerong naatasan sa isla. Sa 2002 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova, sinabi niya: “Sa paglalathala ng mensahe ng Kaharian, kinailangan naming sabihin at isulat ang mga bagay na hindi pa kailanman nabigkas o naisulat sa Papiamento. Isang hamon na magtatag ng mga susunding pamantayan.” Sa kabila nito, ipinagpatuloy lang ng mga kapatid ang pagsasalin.
Ang buklet na The Joy of All the People, na natapos noong 1948, ang unang publikasyong naisalin sa Papiamento. Pagkatapos, mas marami pang publikasyon ang naisalin, gaya ng magasing Bantayan at Gumising! Unti-unti ring inilalabas sa ngayon ang Bagong Sanlibutang Salin sa wikang Papiamento. Ang unang aklat sa Bibliya na naisalin ay ang Ruth, na ini-release noong Oktubre 1, 2021.
Ang patuloy na pagdami ng mamamahayag sa mga islang ito ay isa sa magagandang resulta ng gawaing pagsasalin. Noong 1956, nang itatag ang unang kongregasyong nagsasalita ng Papiamento, 16 lang ang mamamahayag. Ngayon, mahigit 1,600 na ang mga mamamahayag na sama-samang naglilingkod sa 25 kongregasyong nagsasalita ng Papiamento. Noong 2023, mahigit 1,200 pag-aaral sa Bibliya ang naisagawa.
Nagtitiwala tayo na patuloy na pagpapalain ni Jehova ang pagsisikap ng maraming kapatid natin na tulungan ang mga nagsasalita ng Papiamento habang pinasisikat nila ang kanilang liwanag at pumupuri kay Jehova.—Mateo 5:16.