Pumunta sa nilalaman

Isang sister sa United States na masayang nagle-letter writing

MARSO 31, 2020
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Pagtulong sa mga May-edad Para Mapanatili ang Kanilang Espirituwalidad

Pagtulong sa mga May-edad Para Mapanatili ang Kanilang Espirituwalidad

Dahil mas nanganganib ang mga may-edad sa coronavirus, sinusunod ng mga may-edad nating kapatid ang tagubilin ng gobyerno na manatili sa bahay. Pero hindi ibig sabihin nito na wala silang ginagawa o wala silang nakakausap. Ginagamit nila ang iba’t ibang teknolohiya para makibahagi sa mga pulong at ministeryo.

Sa Rome, Italy, isang 94-anyos na sister, na nabautismuhan noong 1952, ang hindi na nakakalabas ng bahay bago pa ang pandemic. Nanonood siya ng mga pulong sa JW Stream, pero matagal na siyang hindi nakakadalo sa pulong ng kongregasyon niya. Dahil isinaayos ng mga elder sa kongregasyon niya na i-videoconference ang pulong, nakikita na niya ang mga kakongregasyon niya at nakakasama na siya sa mga pulong nila.

Sa Spanish Fork, Utah, sa U.S.A., si Sister Stephanie Aitken, isang pipi, ay nakatira sa isang nursing home. Sa ngayon, ipinagbabawal nito ang mga bisita. Tinulungan siya ng isang elder at ng asawa nito na mag-set up ng videoconference app. Isinenyas nila sa kaniya kung paano iyon gagawin habang nakatayo ang mag-asawa sa labas at nakikita niya lang sila sa glass entrance ng pasilidad. Pagkatapos ma-install ni Sister Aitken ang app, niyakap niya ang tablet niya. Masayang-masaya siya na makakausap na niya ang buong kongregasyon.

Ginagamit ng mga kapatid sa buong mundo, pati na ng mga may-edad, ang teknolohiya para makapag-adjust sa krisis na ito sa kalusugan. Ipinapaalala nito sa atin ang pangako ni Jehova na gagamitin ng kaniyang bayan ang “gatas ng mga bansa.” (Isaias 60:16) Alam natin na si Jehova ay magiging anuman na kailangan ng bayan niya sa mahihirap na panahon.

 

Isang mag-asawa sa Sweden (kaliwa sa taas), isang brother sa France (kaliwa sa baba), at isang mag-asawa sa South Korea (kanan) na nakikibahagi sa pulong

Isang mag-asawa sa Norway na nagte-telephone witnessing

Isang mag-asawa sa Italy na sine-shepherding